MANILA, Philippines – Kinontra ng Department of Agriculture (DA) nitong Miyerkules, Disyembre 11 ang sinabi ng National Economic and Development Authority (NEDA), at sinabing ang executive order na nagbawas ng taripa sa imported na bigas mula 35% patungong 15% ay nagresulta sa mas mababang retail prices ng bigas.
“Kung titignan natin ay mayroon namang pagbaba sa presyo ng bigas per the monitoring na rin natin. Kung titignan natin, isa pang punto, sa dami ng naging pinsala at pagtaas din ng dollar exchange, kung wala itong taripa, ‘yung pagpirma ng ating pangulo, pagbawas ng from 35% to 15%… sigurado na mas mataas pa ‘yung presyo ng bigas sa panahon na ito,” pahayag ni DA spokesperson Arnel De Mesa sa Bagong Pilipinas Ngayon public briefing.
Ang pahayag ng DA ay kasunod ng sinabi ng NEDA nitong Martes na hindi naman bumaba ang presyo ng bigas sa Executive Order 62 ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. nagpapababa ng taripa sa imported na bigas.
“This is a puzzle also for us… perhaps this deserves a more nuanced analysis,” ayon kay NEDA Director Nieva Natural kasabay ng House Murang Pagkain Supercommittee hearing.
Sinabi ni Natural na mas mataas sa competitive levels ang presyuhan ng dominant market players, dahilan para mapantayan lang nito ang retail prices ng locally produced na bigas.
Ayon naman sa Bureau of Customs, bagamat ang tariff cut ay nagpababa sa presyo ng imported na bigas mula P40.26 patungong P33.93 kada kilo, nananatiling mataas ang retail prices nito.
“Dahil dito nawalan rin ng insentibo ang mga smugglers na ituloy ‘yung smuggling dahil mababa na ‘yung taripa, marami na ring volume na pumasok,” sinabi pa ni De Mesa.
Ang kasalukuyang presyo ng bigas sa mga pamilihan ngayon ay nasa P45 hanggang P50 kada kilo. RNT/JGC