MANILA, Philippines – Naghahanda na ang Senado ng susuoting robe na gagamitin ng mga senator-judge sa papalapit na impeachment trial ni Vice President Sara Duterte.
Ito ang ibinahagi ni Senador Alan Peter Cayetano at kinumpirma naman ni Senate Secretary Renato Bantug Jr nitong Biyernes, Marso 14.
“About two weeks ago, SP (Senate President Francis “Chiz” Escudero) gave (a) go signal to coordinate with the senators para sa (for the) robe measurements,” sinabi ni Bantug.
“Same color and design… maroon. Same nung [during] the last Corona trial,” dagdag niya.
Nauna nang sinabi ni Escudero na posibleng magsimula ang impeachment trial ni Duterte sa Hulyo 30.
Matatandaan na inimpeach ng Kamara ang Bise Presidente noong Pebrero 5, sa mahigit 200 mambabatas na nag-endorso ng reklamo.
Ang Articles of Impeachment ay agad na naipadala sa Senado sa kaparehong araw.
Samantala, naghain naman si Duterte ng petisyon sa Korte Suprema na humahamon sa validity ng impeachment complaint.
Nanawagan din ang mga abogado mula sa Mindanao at iba pang grupo sa SC na pigilan ang paglilitis. RNT/JGC