Home NATIONWIDE Mga sundalong Amerikano tinuruan kung paano makaka-‘survive’ sa PH environment

Mga sundalong Amerikano tinuruan kung paano makaka-‘survive’ sa PH environment

MANILA, Philippines- Sa gitna ng umiiral ng Balikatan joint military exercise sa pagitan ng Pilipinas at ng Estados Unidos, tinuturuan din ng mga sundalong Pilipino ang pwersang Amerikano kung paano makipaglaban at mabuhay sa kapaligiran ng bansa.

Sa isang panayam nitong Linggo, sinabi ni PA spokesperson Colonel Louie Dema-ala na pinupunan din ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang “gaps” ng US forces pagdating sa kanilang kapabilidad.

“Not only doon sa modern equipment, but also ‘yung basic skills, lalong lalo na sa environment—’yung survivability nung individual soldiers dito sa environment natin. ‘Yun ang tinuturo sa mga Amerikano na kalahok sa Balikatan,” pahayag ni Dema-ala.

Bukod sa kanilang jungle survival skills, binanggit ng Army official na kayang makipagsabayan ng mga sundalong Pilipino sa US forces sa pinakamalaking iteration ng joint military exercise sa pagitan ng dalawang bansa dahil updated din umano ang mga ito sa pagsasanay.

“Kayang-kaya nating sumabay with other countries kasi tinitignan naman natin dito not necessarily the capabilities, but also ‘yung skills and how we effectively employ itong capabilities,” giit ng opisyal.

Nagsimula ang Balikatan 2024 noong Abril 22, at matatapos sa Mayo 10.

Nagtalaga ang AFP ng 5,000 tauhan, karamihan ay mula sa Northern Luzon Command at Western Command upang makibahagi sa aktibidad.

Mula sa US, halos 11,000 tauhan ang sumali, kabilang ang 3,700 US marines, 1,200 sundalo, 4,000 US Navy personnel, 400 airmen at Air National Guardsmen, maging 750 miyembro ng US Special Operations forces.

Gayundin, nagpadala ang Australians ng contingent mula sa 1st Battalion, The Royal Australian Regiment habang sa unang pagkakataon ay nakibahagi ang France sa pamamagitan ng kinatawan nitong frigate Vendemiaire.

Sa unang pagkakataon din mula nang umarangkada ang aktibidad, nagsagawa ang military forces ng Pilipinas, US at France ng exercises sa labas ng territorial waters ng bansa—lampas 12 nautical miles o 22.22 kilometers mula sa west coast ng Palawan. RNT/SA