MANILA, Philippines — Masinsinang operasyon ang ikinasa ng Armed Forces of the Philippines (AFP) laban sa mga suspek sa pananambang sa Lanao del Norte noong Biyernes ng umaga na ikinasawi ng apat na sundalo at ikinasugat ng isa pa.
Ayon sa AFP, ang pag-atake ay isinagawa habang nagsasagawa ng non-combat activities ang mga tropa.
Nauna nang itinuro ng Philippine Army ang Dawlah Islamiyah (DI)–Maute Group bilang nasa likod ng insidente.
Kaagad na isinagawa ang medical evacuation at deployment ng karagdagang tropa upang masiguro ang seguridad sa lugar, matulungan ang mga nasugatan, at mapanatili ang kaayusan sa lugar ng engkuwentro.
Tiniyak ng AFP na pananagutin ang mga responsable sa pag-atake at ipagpapatuloy ang mga operasyon hanggang tuluyang maibalik ang kapayapaan at seguridad sa rehiyon. Nagpaabot rin ito ng pakikiramay at tulong sa mga naiwang pamilya ng apat na nasawing sundalo.
Samantala, sinabi ng non-government organization na Climate Conflict Action Asia (CCAA) na halos dumoble ang mga insidente ng violent extremism sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) mula 2024 hanggang 2025.
Batay sa datos ng Critical Events Monitoring System ng CCAA, tumaas ng 91 porsiyento ang mga insidente kabilang ang mga madugong sagupaan ng militar at DI, pagkakaaresto ng mga umano’y financier at drug dealer ng grupo, at pagkakarekober ng matataas na uri ng armas at improvised explosive devices.
Nagbabala ang CCAA na muling lumilitaw ang presensya ng DI sa mga lugar na dati nang idineklarang ISIS-free, partikular sa mga koridor ng Lanao at Maguindanao.
Ipinahayag ng grupo ang pangamba na maaaring makaapekto ang paglala ng banta ng ekstremismo sa nalalapit na BARMM parliamentary elections sa Marso 30 at sa 2028 national elections.
Binigyang-diin ng CCAA ang pangangailangan ng mas malawak na pagtutulungan ng pamahalaan at civil society, hindi lamang sa pamamagitan ng seguridad kundi pati ng mga programang pangkabuhayan, reintegration ng dating combatants, at suporta sa kabataan upang tugunan ang ugat ng radikalisasyon. RNT/JGC