Home NATIONWIDE Ina nanawagan sa suspek sa dalagitang natagpuang patay sa loob ng drum...

Ina nanawagan sa suspek sa dalagitang natagpuang patay sa loob ng drum sa Antipolo: Sumuko ka na

208
0

MANILA, Philippines — Naghihinagpis na nanawagan ang isang ina sa suspek na pumaslang sakanyang 15-anyos na babaeng anak na natagpuang patay, isinilid sa sako at ipinasok sa isang drum sa Antipolo City.

“Nakikiusap po ako sa gumawa nito sa anak ko, kung may konsensya pa po siya, sana po ay sumuko na,” pahayag ng ina sa isang panayam nitong Sabado, Enero 24.

Natagpuan ang bangkay ng dalagita noong Huwebes ng hapon sa kahabaan ng Marcos Highway sa Barangay San Jose matapos ipagbigay-alam ng mga residente ang isang kahina-hinalang drum na itinapon malapit sa bangin.

Ayon sa pulisya, mga batang nangangalakal ang unang nakapansin sa drum at inakala itong maaaring ipagbili.

Nang buksan ito, tumambad ang bahagi ng paa ng tao kaya agad nilang ini-report sa pinakamalapit na presinto.

Kinumpirma ng Antipolo police na ang bangkay ay balot sa sako at sadyang itinago sa loob ng drum bago itinapon sa lugar.

Sinabi ni Police Lieutenant Ken Ada-ol, public information officer ng Antipolo Police Station, na bandang ala-1 ng hapon nang matanggap ang ulat at kaagad na rumesponde ang mga pulis.

Wala umanong dalang anumang pagkakakilanlan ang biktima nang matagpuan kaya nag-post ang pulisya ng larawan sa social media upang makilala ito. Kalaunan, kinilala ang biktima bilang isang 15-anyos na residente ng Barangay Cupang, Antipolo City.

Batay sa imbestigasyon, huling nakitang buhay ang dalagita noong gabi ng Enero 19 sa Peñafrancia basketball court kasama ang kanyang kapatid.

Ayon sa pamilya, wala silang maisip na motibo sa krimen dahil wala umanong nakaalitang tao ang biktima.

Isinailalim na sa autopsy ang bangkay upang matukoy ang sanhi ng kamatayan habang patuloy ang CCTV backtracking at forward tracking ng pulisya upang matukoy ang salarin.

Nanawagan ang mga awtoridad sa sinumang may impormasyon kaugnay ng krimen na makipag-ugnayan sa Antipolo Police Station. RNT/JGC

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here