Home METRO Mga suspek sa Catanauan arson walang sala – testigo

Mga suspek sa Catanauan arson walang sala – testigo

Larawan mula sa X (@dzrhnews)

MANILA, Philippines- Pinabulaanan ng dalawang opisyal ng Mulanay, Quezon ang pagkakasangkot ng grupo ng film director na si Jade Castro, na dinakip noong nakaraang linggo dahil sa umano’y pagpapaliyab sa isang jeepney sa bayan ng Catanauan, sa Quezon. 

Mula Pebrero 2 ay nakapiit si Castro kasama ang dalawang civil engineer at isang business manager nang arestuhin sila ng mga awtoridad at sampahan ng kasong arson.

Subalit, giit nina Joelda Tadeja, Mulanay public order and safety officer, at Angelito Amisola, Mulanay Public Information Office head, kapwa turista sa kanilang bayan sina Castro na nakikiisa lamang sa pagdiriwang ng Cocolunay Festival.

Paglalahad ng dalawang opisyal, nakita pa nilang kumakain ang mga ito sa L Patio food court sa tapat ng municipal plaza dakong alas-7:30 ng gabi noong maganap umano ang pagsunog.

Nagtagal din umano ng halos 20 minuto ang kwentuhan nila, kaya naman imposible umano ang mga ibinibintang kina Castro dahil nang maganap ang pagsunog ng modern jeepney sa Catanauan ay magkakasama sila.

“Kung lumalabas na 7:30 sinunog yung modernized jeep, nandito sila noon. Kasama namin sila, kausap namin sila,“ giit ni Amisola.

Aabot din umano ng 30 minuto ang biyahe mula Mulanay hanggang Barangay Dahican sa Catanauan na pinangyarihan ng pagsunog kaya malabo umano ang paratang laban sa mga suspek.

Kasalukuyan namang binubusisi ng Mulanay LGU ang mga CCTV sa plaza.

Subalit, giit ni Police Brig. Gen. Paul Kenneth Lucas, regional director ng Calabarzon PNP, batay sa kanilang imbestigasyon ang paghuli sa apat na suspek.

Inihayag ni Lucas na mayroong mga saksi na nagnguso sa mga suspek.

“Positively identified sila eh, because kapag makikita mo mga, engineers ang mga ito, may pinag-aralan, so kailangan mag dig deeper kami kung sila nga o hindi. Fortunately, I think yung driver at saka yun conductor ata ina-identify nila ito kaya nag-file tayo ng case,” ayon kay Lucas.

“Kailangan i-prove nila yun sa korte,” patuloy niya.

Subalit, paninindigan nina Tadeja at Amisola, nagsasabi sila ng totoo.

“Paano kaya kung sa amin mangyari yun at maging turista kami sa ibang lugar tapos bigla kaming ituro ng ganoon. Napakalayo ng biyahe sa Catanauan doon sa lugar tapos babalik ng Mulanay para doon tumakbo,” wika ni Tadeja.

Pinagtibay ng dalawa ang kanilang salaysay sa provincial prosecutors office. RNT/SA