Home NATIONWIDE Mga suspek sa pagpapakalat ng PBBM ‘deepfake’ kinasuhan

Mga suspek sa pagpapakalat ng PBBM ‘deepfake’ kinasuhan

MANILA, Philippines- Naghain ng reklamo ang isang grupo nitong Martes sa Philippine National Police – Anti Cybercrime Group (PNP-ACG) laban sa umano’y mga nasa likod ng social media videos na minanipula gamit ang deepfake technology, kung saan nabiktima rin si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.

Pinangunahan ni Michael Raymond Aragon, chairperson ng Kapisanan ng Social Media Broadcasters ng Pilipinas, Inc. (KSMBPI), kasama ang abogadong si Anna Tan, ang paghahain ng reklamo para sa paglabag sa Article 154 (unlawful use of means of publication and unlawful utterances) ng Revised Penal Code in relation to Republic Act 10175  o ang Cybercrime Prevention Act of 2012 laban sa limang personalidad, na hindi nila pinangalanan.

“Meron kaming mga pinangalanan doon sa complaint. We have websites at inaayos na namin ito and we are open to collaborating with any government agencies para maayos. Maraming sites kasi sa isang site, so naka-cluster siya,” pahayag ni Aragon matapos magsampa ng reklamo sa PNP-ACG office sa Camp Crame.

Binanggit din niya na hihilingin ng grupo sa Kamara na magsulong ng batas na lilikha sa national social media regulatory board.

“We see a clear and present danger right now for the nation for our democracy. That’s why we are doing this and we would like the government to be with us. Because this is a technology na hindi alam ng tao na meron palang ganyan so nape-peke sila, then the tendency is to believe but beyond this pamemeke, what I am saying is there is a clear and present danger (in) the technology of embedded algorithm,” paliwanag ni Aragon.

Samantala, sinabi ni Tan na panahon na upang pigilan ang “abuse of the right to freedom of speech.”

“Ang ginagamit ngayon ay artificial technology or AI, gumagawa ng deepfake ng mukha, kunwari sinabi ng Presidente, ganitong opisyales na kung sa pangkaraniwang tao maniniwala kayo na siya talaga ang nagsabi. Ngayon hindi muna natin ma-disclose yung social media accounts and moderators dahil nga ongoing pa lang yung filing,” patuloy niya.

Inihayag naman ni PNP-ACG Cyber Response Unit chief Col. Jay Guillermo na sasailalim ang reklamo ng grupo sa nitial verification.

“Pag-aaralan pa yan ng imbestigador namin and we explained what are the requirements needed for the filing, in case we can identify the persons behind the deepfake audio,” wika ni Guillermo sa isang phone interview.

Matatandaang sinabi ni Guillermo na base sa kanilang imbestigasyon, natukoy nila ang IP address subalit hindi ang mga nasa likod ng deepfake video ni Marcos dahil gumamit ang mga ito ng proxy server o isang virtual private network, na makikita sa ibang bansa. RNT/SA