Home METRO Mga tagasuporta ni Gov. Rosal, nagdaos ng prayer rally

Mga tagasuporta ni Gov. Rosal, nagdaos ng prayer rally

LEGAZPI, Albay- Bilang suporta sa kanilang inihalal na Gobernador Noel Rosal, nagsagawa ng malawakang prayer rally ang higit sa 20,000 tagasuporta ng gobernador na pinangunahan ng pari para magprotesta laban sa disqualification order na inilabas ng Commission on Elections (Comelec), sa Sawangan Park, kahapon.

Ayon kay Fr. Willy Alvarado at mga tagasuporta ng gobernador, dismayado sila sa desisyon ng Comelec at bilang protesta ay nagsagawa sila prayer rally na naglalayong magpetisyon para sa muling pagbabalik ng gobernador at iginiit na dapat panindigan ng electoral body ang boto ng mga tao.

“Idinadalangin namin na dinggin ng Korte Suprema ang aming apela na ibalik ang ating Albay Governor Noel Rosal,” ani Fr. Alvarado.

“Ibinoto ng mga Albayano si Gobernador Rosal, at gusto naming maging pinuno namin si Gobernador Rosal,” bulalas ni Fr. Alvarado. “Hindi namin tatanggapin ang desisyon ng Comelec, at ipaglalaban namin ang aming mga boto,” dagdag pa niya.

Noong Setyembre 2022, si Rosal ay na-disqualify ng Comelec dahil sa umano’y paglabag sa Omnibus Election Code na may kaugnayan sa pagpapalabas ng pondo ng publiko sa loob ng 45-araw na campaign spending ban.

Naghain si Rosal ng motion for reconsideration sa Comelec, ngunit ibinasura ito dahil sa kawalan ng matibay na dahilan para sa pagbaligtad.

Kasunog nito, naglabas ng certificate of finality ang Comelec dahil walang natanggap na utos mula sa Supreme Court (SC) para ibasura ang desisyon.

Ang Comelec First Division, katuwang ang Department of the Interior and Local Government, ay naglabas ng writ of execution para kay Rosal na lisanin ang kanyang posisyon at mapayapang ibigay ang kapangyarihan kay Albay Vice Governor Edcel Lagman Jr.

Matatandan na naharap rin sa kaparehong kaso ang asawa ni Rosal na si Legazpi City Mayor Carmen Geraldine Rosal, matapos masangkot sa kaparehong diumano’y pagkakasala nang simulan niya ang pamamahagi ng cash aid sa parehong taon.

Ayon sa mga ulat, pinangunahan ng mag-asawa ang dalawang araw na cash assistance campaign para sa mga tricycle driver at senior citizen. Gayunman, pinaninindigan ni Rosal na ang pagbabayad ay bahagi ng programa ng lokal na pamahalaan para sa mga nasasakupan nito.

Naglabas ang SC ng status quo ante order na suspindehin ang disqualification ni Mayor Rosal na siya ring inaasahan ng mga taga-suporta ng gobernador. Mary Anne Sapico