MANILA, Philippines – Nagtipon sa labas ng Sandiganbayan ang mga tagasuporta ni dating Senador Ramon “Bong” Revilla para tutulan ang pagtatalaga kay dating public works undersecretary Roberto Bernardo bilang state witness sa mga kaso ng flood control.
“Hindi dapat maging state witness ang mastermind,” saad sa placard na hawak ng mga sumusuporta kay Revilla.
Iginiit nila na si Revilla ay inosente, bago ang nakatakdang bail hearing sa malversation charges kaugnay sa umano’y P92.8 milyong ghost flood control project sa Pandi, Bulacan.
Si Revilla ay naugnay sa flood control scandal matapos ituro ni Bernardo na nakatanggap ng kickback kapalit ng pag-endorso sa flood control projects.
Sinamahan ang dating senador ng asawa nitong si Cavite Second District Rep. Lani Mercado, sa pagdinig ng Third Division ng Sandiganbayan.
Nauna nang tinutulan ng abogado ni Revilla na si Atty. Isaiah Asuncion, ang mosyon ng prosekusyon na isama ang karagdagang documentary evidence for presentation sa mga pagdinig.
Ani Asuncion, hindi patas para sa depensa na komprontahin ng mga dokumento na hindi pa nasuri o naikumpara sa preliminary conference.
Idinagdag pa niya na ang mga ito ay hindi bagong diskubre at naroon na bago pa ang paghahain ng reklamo at dapat na isinama sa judicial affidavits ng mga witness.
Iginiit naman ng prosekusyon na ang mga dokumento ay naging available lamang sa case conferences ng mga witness.
Ginawaran ng korte na pinangungunahan ni Associate Justice Karl Miranda, ang mosyon na tanggapin ang karagdagang dokumento.
Sa kabila nito, sinabi ni Associate Justice Roland Moreno na hindi na papayagan ang prosekusyon na mag-reserve o magpakilala ng mga bagong dokumento sa panahon ng paglilitis.
Nanawagan ng recess ang korte para bigyan ang depensa ng panahon na suriin ang mga dokumento.
Wala pang inilalabas na pre-trial order na kailangan para magpatuloy naman ang bail hearing.
Matatandaan na naghain ang korte ng not guilty plea para kay Revilla.
Samantala, naghain din ng not guilty plea sina dating DPWH Bulacan First District Engineering Office officials Assistant Engr. Brice Hernandez, Engr. Jaypee Mendoza, Engr. Arjay Domasig, Engr. Emelita Juat, Christina Pineda at Juanito Mendoza sa kanilang malversation at graft charges. RNT/JGC