MANILA, Philippines – Hinimok ng ilang mambabatas ang pamahalaan sa pagpapatupad ng apat na araw na pasok sa loob ng isang linggo at kailangang gumamit na rin ng solar energy sa mga tanggapan ng gobyerno.
Binigyang diin ni Abra Lone District Rep. JB Bernos na, “the implementation of a four-day workweek in some offices in the Executive branch underscores the need for us to shift away from our dependence on oil towards more renewable energy sources.”
Inihain ni Bernos ang House Bill No. 3126 o mas kilala na On-Grid Solar Energy Systems kung saan binibigyang mandato ang mga tanggapan sa gobyerno na gumamit ng on-grid solar energy systems maging sa national man at local government-owned building.
“Hindi po ito ang huling pagkakataon na magmamahal nang todo ang petrolyo dahil limitado ang supply, kaya dapat tayo na mismo ang gumawa ng paraan para mabawasan ang negatibong epekto nito.”
Kasabay nito ay nanawagan si Bernos sa mga kapwa mambabatas na ipasa ang nabanggit na panukala upang maibsan ang epekto ng masyadong mataas na presyo ng kuryente.
Sa ilalim ng panukala ay nangangailangan ang gobyerno na ang 20% ng average monthly utilization (AMU) ay masakop ng on-grid solar energy systems sa loob ng isang taon.
Ang AMU sa ilalim ng naturang sistema ay itataas ng 40 porciento sa unang dalawang taon, 60 porciento sa ikatlong taon, 80%sa ika-apat na taon at 100 porciento sa ikalimang taon.
“Considering that solar panel technology has become much cheaper to the point that it is even viable for home use, not to mention a typical lifespan of 25 to 30 years, there is hardly any reason why the government shouldn’t shift to a resource that we have an abundance of,” giit pa ni Bernos. Meliza Maluntag