Home NATIONWIDE Diesel stockpile sa residential compound sa QC walang permit – QCPD

Diesel stockpile sa residential compound sa QC walang permit – QCPD

122
0

MANILA, Philippines – Napag-alamang walang permit at layong tumanggap ng 10,000 litro ng diesel mula sa oil tanker ang isang residential compound sa Barangay Sacred Heart, Quezon City kung saan natagpuan ang malaking fuel tank storage.

Ayon kay QCPD Station 10 commander Police Lieutenant Colonel Zachary Capellan, inamin ng representative mula sa isang kompanya na kulang sila sa kaukulang permit para mag-imbak ng libo-libong litro ng diesel sa isang residential area.

“Ang nabanggit naman ng representative, kapag hindi po sila nakapag-produce ng certificate o requirements o permit, sila mismo magkukusang hindi na itutuloy at ipu-pull out nila ‘yung diesel at saka ‘yung tanker sa loob ng residential (area) na ‘yun,” ani Capellan sa panayam ng GMA News.

Naharang ang oil tanker na may dalang 20,000 litro ng diesel dahil sa paglilipat nito sa residential compound.

Sa ulat, nakita ang tanker na nakaparada sa harap ng isang bahay sa Scout Castor Street, Sabado ng gabi.

Sinabi ng representative na ito ay para sa “personal consumption” kabilang ang metal fabrication work at pagpapagana ng mga generator.

“Ang paliwanag nila, personal consumption according to them kasi nga meron ‘yung lugar na ‘yung residential area na ‘yun. Nagfa-fabricate sila ng mga metalworks. Nabanggit nila na personal consumption na rin ‘yung diesel kung bakit nag-iimbak sila roon. At ganoon pa man at hindi natin pinayagan… May nabanggit na gagamitin daw sa generator,” dagdag ni Capellan.

Nagsagawa ng surprise visit ang Department of Energy (DOE) sa residential compound nitong Linggo, Abril 5.

Personal na kinatok ni DOE Undersecretary Wimpy Fuentebella ang gate ng compound ngunit walang humarap sa kanila.

Ang inspeksyon ay isinagawa ng DOE matapos makatanggap ng ulat na nagbababa ng karga ang isang oil tanker sa lugar.

“Dapat pumupunta ‘yung petroleum products sa dapat puntahan. Hindi sa kabahayan na may malaking storage na nagkakaroon tayo ng tinatawag na temporary shortage dahil mayroong mga nagho-hoarding,” ayon kay Fuentebella.

Nagbabala rin si Fuentebella na ang pag-iimbak ng diesel o fuel products sa isang residential area ay hindi ligtas.

“Ang paglalagay po ng napakaraming litro ng diesel o petroleum products sa isang residential area ay hindi po safe. Hindi po siya okay. Wala po siyang permit. Kadalasan po walang nakukuhang permit ‘yung ganyan,” aniya.

Nagbabala rin ang DOE na hindi gaya sa crude oil, ang finished diesel ay may expiration date.

“At kung marami po pong nagpaplano na magtatago sila ng gasolina, ng diesel, nabubulok po kasi ‘yan. So dapat po ginagamit ‘yan, hindi po ‘yan tinatago. ‘Yan din ‘yung rason kung bakit ang Strategic Petroleum Reserve ay crude oil. Hindi po siya ‘yung finished product na tinatago kasi may expiration po siya,” paliwanag ni Fuentebella.

Dahil dito, sinabi ni Fuentebella na posibleng ilegal ang operasyon ay sumasalamin sa hoarding.

Nagsasagawa na ng case build-up ang DOE at Philippine National Police (PNP) at posiblen maghain ng kriminal na reklamo laban sa may-ari ng bahay at fuel supplier.

“We will build a case. I don’t want to say anything else kasi mas magandang maipon natin ‘yung mga dapat ipunin para mas malakas ‘yung pagpaproteksyon natin sa ating barangay,” dagdag pa niya. RNT/JGC

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here