Home NATIONWIDE Mga unang sintomas ng dengue agapan – DOH

Mga unang sintomas ng dengue agapan – DOH

MANILA, Philippines- Pinaalalahanan ng Department of Health (DOH) nitong Sabado ang publiko na magpakonsulta sakaling makaranas ng early symptoms ng dengue fever.

Sinabi ni DOH Spokesperson Albert Domingo na maaaring maiwasan ang komplikasyon ng dengue kapag nabigyan ang pasyente ng sapat at agarang atensyong medikal.

“Importante na huwag hintayin na may makitang pagdurugo, advanced stage na po ‘yun. Early stage pa lang po, sa lagnat, magpakonsulta na,” pahayag ni Domingo sa isang news forum sa Quezon City.

“Kasi ang dengue, naaagapan kung mabibigyan ng tinatawag na hydration. Ibig sabihin, suero, binabantayan ng doktor,” dagdag niya.

“Wala pa pong gamot sa dengue. Hindi po tumatalab ang tawa-tawa, dahon ng papaya… Ang tumatalab po ay early consultation at hydration sa ospital,” giit pa ng opisyal.

Nakapagtala ang DOH ng kabuuang 52,008 dengue cases mula January 1 hanggang February 22, 2025.

Kumakatawan ito sa 64-percent increase mula sa parehong period noong nakaraang taon. RNT/SA