Home METRO Mga vendor bawal din sumilong sa ilalim ng flyover ‘pag maulan –...

Mga vendor bawal din sumilong sa ilalim ng flyover ‘pag maulan – MMDA

MANILA, Philippines – Nilinaw ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na sakop din ng bagong polisiya nilang nagbabawal sa mga motorcycle riders na sumilong sa ilalim ng mga foot bridge o flyover tuwing malakas ang ulan, ang mga street vendors.

Ayon kay MMDA director for traffic enforcement group Victor Nuñez, unang-una ay illegal umano ang mga street vendor at wala silang permit para magbenta roon.

“‘Yung mga vendors, pinaghuhuli natin ‘yang illegal vendors dahil bawal mag-illegal vending (sic) sa any public spaces. ‘Yun ay talagang pinagbabawal,” sinabi ni Nuñez kasabay ng televised briefing nitong Biyernes, Agosto 4.

“Mayroon kaming department diyan na nagmo-monitor at nag-ooperate ng illegal vendors,” dagdag pa.

Nauna nang sinabi ni MMDA chairman Romando Artes earlier na nagdudulot ng pagbigat sa trapiko ang mga rider na sumisilong sa ilalim ng mga flyover kapag malakas ang ulan.

Delikado rin umano ito sa mga rider at iba pang motorista.

Karaniwan umanong sinasakop ng mga sumisilong ang dalawa hanggang tatlong lane ng kalsada na lubhang delikado dahil karaniwan ay zero visibility rin kapag malakas ang ulan.

Maikipag-ugnayan ulit ang MMDA sa mga kompanya ng langis upang maglagay ang mga ito ng tent na maaaring silungan ng mga rider.

Sa pagsisimula ng implementasyon ng polisiya nitong Agosto 1, pitong rider pa lamang ang nasisita dahil sa pagsilong ng matagal sa mga foot bridge at flyover.

“We are a bit lenient naman. Noong mga sumunod na araw kapag may mga enforcers kami at sumisilong ang mga riders, talagang nagpapalit lang sila ng kani-kanilang rain gears at raincoats,” ani Nuñez.

“After that umaalis na sila, hindi na sila nananatili sa ilalim ng footbridge,” dagdag pa niya.

P1,000 ang multa sa mga lalabag sa naturang polisiya. RNT/JGC