Home METRO MIAA: NAIA Terminals 2, 3 ‘surot-free’ na

MIAA: NAIA Terminals 2, 3 ‘surot-free’ na

MANILA, Philippines- Wala nang surot sa Ninoy Aquino International Airport (Naia) Terminals 2 at 3, ayon kay Manila International Airport Authority (Miaa) head executive assistant Chris Noel Bendijo nitong Biyernes.

Kaugnay ito ng social media posts kung saan inireklamo ng mga pasahero ang kagat ng surot sa rattan at gang chairs ng mga terminal.

Nauna nang humingi ng paumanhin ang Miaa sa mga pasahero at ipinag-utos ang inspeksyon at mas maigting na paglilinis sa mga terminal.

Nang tanungin kung “surot-free” na ang mga upuan sa mga terminal, sinabi ni Bendijo: “We have examined, we have inspected our seats, safe po ang ating mga upuan.”

Tinanggal na rin lahat ng rattan chairs, na eksklusibo sa Terminal 2, at pinalitan ng gang chairs mula sa ibang mga terminal.

“‘Yun pong sa Terminal 2, lahat po ay pina-pull out na po ni GM [Miaa General Manager Eric Ines]. Based dito sa initial recommendation ng ating pest control service provider, pati na rin ng ating terminal manager, mukhang medyo permanent muna na hindi ibabalik ito pong mga rattan chair,” wika ni Bendijo.

Aniya pa, bubusisiin ng Miaa ang procurement options para sa karagdagang upuan sa airport. RNT/SA

Previous articlePagyoyosi nangungunang mitsa ng sunog ngayong 2024 – BFP
Next articleP4B puslit na vape nasamsam ng BOC