Home METRO P4B puslit na vape nasamsam ng BOC

P4B puslit na vape nasamsam ng BOC

MANILA, Philippines- Nagsagawa ng operasyon nitong Huwebes ang mga miyembro ng Bureau of Customs sa tatlong warehouse kung saan umano nakatago ang puslit na e-cigarettes.

Alinsunod sa Letter of Authority (LOA) na inilabas ng Customs Commissioner, sinalakay ang mga bodega sa Quezon City, Malabon, at Parañaque kung saan umano matatagpuan ang ilegal na vape products.

“Nakatanggap po tayo ng information na nagsasabi po na may smuggled na mga e-cigarettes sa ating bansa. At ang modus ay ito raw ay pinapasok unti-unti at iniimbak nga po dito sa ka-Maynilaan,” pahayag ni Alvin Enciso, hepe ng Customs Intelligence and Investigation Service of Manila International Container Port (CIIS MICP).

Tinatayang nasa P4 bilyon ang kabuuang halaga ng mga nasamsam na e-cigarettes na nagmula umano sa China.

“Ito kasi ay registered na sa ibang bansa ngunit sa atin, wala pa hong napaparehistro na authorized distributor sa Customs,” wika ni Enciso.

“Filipino-Chinese daw ho nagmamay-ari ng mga ito at ating iimbestigahan. Kukuhanan natin ng pangalan,” dagdag ng opisyal.

Ikinandado muna ang mga bodega habang hinihintay ang warrant of seizure and detention upang tuluyang makuha at mawasak ang mga puslit na e-cigarette.

“Huwag na tayong gumamit ng ganitong mga peke o mga produkto na hindi naman dumadaan sa tamang pagsusuri or authorized ng FDA o DOH, lalong lalo na sa hindi dumaan sa Bureau of Customs sapagkat ang nawala dito ay bilyon-bilyon na halaga ng duties and taxes kung saan marami tayong proyektong magawa ng ating gobyerno,” babala ni Enciso.

Ikinakasa na ng BOC ang kasong paglabag sa Anti-Smuggling Law laban sa mga may-ari ng tatlong warehouse. RNT/SA