Home NATIONWIDE Mike Defensor isasama sa human trafficking cases ng NBI — Matibag

Mike Defensor isasama sa human trafficking cases ng NBI — Matibag

100
0

MANILA, Philippines – Kinumpirma ng National Bureau of Investigation (NBI) na isasama si dating kongresista Mike Defensor sa mga karagdagang kaso ng human trafficking na isasampa kaugnay ng umano’y sex exploitation operation sa isang establisyemento.

Ayon kay NBI Director Melvin Matibag, isasampa ang mga kaso sa Department of Justice’s Inter-Agency Council Against Trafficking sa susunod na linggo.

“Next week, there is already a filing… It looks like human trafficking, he (Defensor) will also be charged with that,” ani Matibag.

Batay sa imbestigasyon ng NBI, konektado umano si Defensor sa kumpanyang nag-ooperate ng establisyemento na nire-raid ng ahensya, kung saan 54 na babae ang nasagip mula sa umano’y sexual exploitation.

Ayon sa NBI, ang lupang kinatatayuan ng operasyon ay pag-aari ng gobyerno at sakop ng Presidential Commission on Good Government (PCGG), na pinapaupahan sa isang kumpanya na konektado sa iba’t ibang negosyo.

Sinabi rin ni Matibag na 75% umano ng kumpanyang “Innovative” ay pag-aari ni Defensor.

Dagdag pa niya, may koneksyon din sa ibang kumpanya tulad ng Cliffpoint Development Corporation at Zerrin Development Corp., na umano’y pag-aari ng pamilya Defensor, pati na rin ang Chicago Night Club at Bleu Hotel na bahagi ng sinasabing operasyon.

“The Zerrin Development Corp., which is owned by Defensor’s wife… So we really have to study it very well because there is really interlocking ownership,” ani Matibag.

Ayon sa NBI, ang mga biktima ay unang dinadala umano sa nightclub bago dalhin sa mga kuwarto sa hotel kung saan nagaganap ang sinasabing sexual exploitation kapalit ng bayad.

Matapos ang raid, ipinag-utos ng Pasig City government ang pagsasara ng Zerrin Development Corporation.

Giit pa ni Matibag, batay sa kanilang imbestigasyon, alam umano ng pamilya Defensor ang nangyayaring ilegal na aktibidad sa establisyemento.

“Yes. They know it. No doubt. They know it,” aniya.

Patuloy pa ang case buildup ng NBI at inaasahang may karagdagang update sa mga susunod na araw. RNT/MND

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here