Nagtungo sa NBI si dating mambabatas na si Mike Defensor at Atty. Ferdinand Topacio nitong Huwebes, Marso 12, kasunod ng subpoena na inisyu laban sa kanya kaugnay ng mga alegasyon ng 18 ex-Marines. Cesar Morales
MANILA, Philippines – Nagpahayag ng pag-aalinlangan si dating kongresista Mike Defensor kung haharap siya sa National Bureau of Investigation (NBI) sa Hunyo 10, matapos kuwestiyunin ang subpoena na ipinadala sa kanya.
Ayon kay NBI Director Melvin Matibag, naglabas ang ahensya ng subpoena kay Defensor matapos makatanggap ng impormasyon na umano’y nagbigay siya ng ₱5 milyon sa bawat isa sa “18 ex-Marines” kapalit ng kanilang testimonya sa mga anomalya sa flood control projects.
Sinabi ni Matibag na ang source ng impormasyon ay partner ng anak ng isa sa 18 dating Marines, at kasalukuyan pa itong bineberipika ng NBI.
Giit naman ni Defensor, “hearsay” lamang ang paratang laban sa kanya.
“Why is the subpoena like that? Look at the subpoena–18 Marines again. That’s the same old one… That’s the second tall tale. That’s the story he told her, because someone told him,” ani Defensor.
Dagdag niya, hindi pa siya sigurado kung haharap sa NBI dahil baka umano ay “gumawa lang ng bagong narrative” ang mga imbestigador.
Ayon sa kanyang abogado na si Atty. Ferdinand Topacio, haharap sila sa NBI bilang paggalang sa institusyon, ngunit kinukuwestiyon nila ang patuloy na pagpapatawag sa kliyente kaugnay ng isyu na may kaugnayan din sa Senate Blue Ribbon investigation at Ombudsman proceedings.
Samantala, inaasahan din ng NBI ang pagdalo ng isang dating Marine na may kaugnayan sa testigong nagbunyag ng alegasyon.
Ayon sa ulat, ang 18 indibidwal ay unang lumantad noong Pebrero 24 at nag-claim na nagsilbi silang “bagmen” para sa umano’y kickbacks sa malalaking flood control projects na umaabot sa ₱805 bilyon na napunta sa ilang opisyal at personalidad. RNT/MND