MANILA, Philippines – NAGBABALA ang Department of Trade and Industry (DTI) sa mga negosyante partikular ang mga retailers ng mga uncertified appliances na hahabulin sila ng naturang Kagawaran sa hindi pagsunod sa batas at regulasyon.
Ang pahayag ay ginawa ni DTI Secretary Alfredo Pascual makaraang papalo sa halos P44 million ang halaga ng nasabat na uncertified appliances ng Department of Trade and Industry sa warehouse ng Grand Philippines Smart Appliances Corp. sa Plaridel, Bulacan nitong nagdaang araw.
Ayon sa pahayag ng DTI, pinangunahan ang nasabing operasyon ng DTI Task Force Kalasag at nakakumpiska ang grupo ng nasa 24,771 na units ng ibat ibang klaseng mga appliances.
Sa paliwanag ng DTI, ang mga naturang kasangkapan sa bahay ay pawang mga hindi sumunod at may paglabag sa Republic Act (RA) No. 4109 o ang Product Standards Law, gayundin sa Department Administrative Order (DAO) No. 02: 2007 dahil sa kakulangan ng Philippine Standard (PS) Marks at Import Commodity Clearance (ICC) Stickers na isa sa requirement ng Bureau of the Philippine Standards (BPS) ng DTI.
Ilan sa mga nakumpiskang kagamitan ay ang electric fans, television sets, electric rice cookers, electric multi-cookers, electric kettles, air conditioners, self-ballasted LED lamps, at mga extension cord sets. Dave Baluyot