MANILA, Philippines – Isang construction worker ang namatay makaraang makisawsaw nang pagtulungang bugbugin laban sa bayaw ng mag-live in partner sa Olaes, General Mariano Alvarez, Cavite.
Sa report, kinilala ang biktima na si Alyas Danilo, 35 taong gulang, nakatira sa Brgy Olaes, ng nasabing lugar na naisugod pa sa CARSIGMA Hospital subalit inilipat sa ASEAN Medical Hospital kung saan ito namatay.
Nadakip naman ang suspek na si alyas Kath, 40, gayunman nakatakas naman ang live-in partner nito na si alyas Butchog, 43, isang construction worker na kapwa residente rin sa naturang bayan.
Sa ulat, bandang 7:40 kamakalawa ng gabi nang naganap ang insidente kung saan una rito ay nagkaroon umano ng alitan sa pagitan ni Kath at ng kanyang bayaw.
Nang nalaman ito ng live-in partner ng una na si Butchog, sinugod nito ang kanyang bayaw kung saan nag-iinuman sa lugar at kinompronta ito na humantong sa mainitang pagtatalo.
Sumawsaw naman ang biktima at tinangkang pakalmahin ang sitwasyon na ikinagalit ni Butchog kaya sinuntok ang biktima sa mukha.
Umuwi ang biktima at kumuha ng baril at bumalik sa lugar at nakipagsuntukan si Butchog hanggang sa tumulong si Kath at sinakyan pa nito ang biktima kaya dito nagkaroon ng tiyempo ang live-in partner hanggang sa saksakin ang biktima.
Matapos ang insidente ay tumakas si Butchog bitbit ang patalim na ginamit sa pananaksak.
Nasa GMA Custodial facility ang suspek at nakatakdang sampahan ng kaso. Margie Bautista