Home NATIONWIDE MinDA: Mindanao Railway Project, magpapatuloy

MinDA: Mindanao Railway Project, magpapatuloy

MANILA, Philippines – Siniguro ng Mindanao Development Authority (MinDA) na magpapatuloy pa rin ang Mindanao Railway Project (MRP) sa kabila ng ispekulasyon na kanselado na ito.

Sa press briefing, nilinaw ni Secretary Leo Tereso Magno na umuusad ang proyekto at interesado ang mga pribadong kompanya na makipagtulungan sa pamahalaan para rito.

“There are three to four private individuals and companies aggressively showing interest in collaborating on the MRP master plan,” ani Magno.

Sinabi pa niya na isinasapinal na ng Department of Transportation (DOTr) at MinDA ang terms of reference ng proyekto na posibleng ilabas sa Disyembre.

Ikokonekta ng MRP Phase 1, na may habang 100.2 kilometro, ang mga lungsod ng Davao, Tagum, at Digos.

Nagpapatuloy na rin ang pagbili ng lupa sa mga segment na ito.

Makikinabang sa railway project ang nasa 122,000 pasahero araw-araw at babawas sa travel time mula Tagum City patungong Digos City ng isang oras mula sa dating tatlong oras.

Sa oras na makumpleto, idurugtong ng MRP sa 1,544 kilometrong riles ang mga lugar sa Mindanao katulad ng Davao, General Santos, Cagayan de Oro, Iligan, Cotabato, Zamboanga, Butuan, Surigao, at Malaybalay.

Batid ni Magno ang pangangailangan na i-update ang disenyo ng proyekto dahil outdated na ang ilan sa mga elemento ng orihinal na plano.

“Unless there are new changes, the DOTr has affirmed that this is the latest direction for the MRP,” aniya.

Nananatiling flagship infrastructure project ang MRP na layong palakasin ang connectivity at palaguin ang ekonomiya ng Mindanao. RNT/JGC