Home NATIONWIDE Mining ban sa Occidental Mindoro pinawalang-bisa ng SC

Mining ban sa Occidental Mindoro pinawalang-bisa ng SC

139
0
(c) Remate File Photo

MANILA, Philippines – Pinawalang-bisa ng Korte Suprema ang mga ordinansa sa Probinsya ng Occidental Mindoro na nagbabawal sa large-scale mining, matapos itong ideklarang labag sa Philippine Mining Act of 1995 (Republic Act No. 7942).

Sa desisyong isinulat ni Senior Associate Justice Marvic M.V.F. Leonen, idineklara ng Supreme Court En Banc na walang bisa ang mga ordinansa ng probinsya at ng munisipyo ng Abra de Ilog na nagpapataw ng 25-taong pagbabawal sa large-scale mining sa nasabing lugar.

Ayon sa Korte Suprema, tanging Kongreso lamang, sa pamamagitan ng batas, ang may kapangyarihang mag-regulate at magbawal ng pagmimina. Hindi maaaring gamitin ng mga lokal na pamahalaan ang ordinansa upang ipataw ang blanket ban sa lahat ng large-scale mining operations, lalo’t may mga umiiral na proseso gaya ng environmental impact assessments at konsultasyon sa mga lokal na pamahalaan na kailangang sundin para sa bawat aplikasyon.

Binanggit din ng desisyon na bagama’t may police powers ang mga lokal na pamahalaan upang protektahan ang kapakanan ng kanilang mga mamamayan, hindi ito maaaring gamitin sa paraang lumalabag sa Konstitusyon o sa pambansang batas.

Sumang-ayon sa desisyon si Associate Justice Amy C. Lazaro-Javier. Bagama’t kinilala niya ang layunin ng probinsya na protektahan ang kalikasan, iginiit niyang hindi ito dapat gawin sa paraang labag sa umiiral na batas. Giit pa niya, maaari pa ring ipagtanggol ng probinsya ang interes ng mga mamamayan sa pamamagitan ng maingat na pagsusuri sa bawat mining application.

Nag-ugat ang desisyon sa kasong inihain ng Agusan Petroleum and Mineral Corporation, na kumuwestiyon sa naturang mining ban dahil anila’y nilabag nito ang karapatan ng kompanya sa ilalim ng kanilang Financial or Technical Assistance Agreement na aprubado ng pambansang pamahalaan. (Teresa Tavares)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here