MANILA, Philippines – NAHARANG ng mga tauhan ng Office for Transportation Security (OTS) ang isang paalis na pasahero matapos mabuking ang bitbit nitong baril sa loob ng kanyang bagahe sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 1 nitong Miyerkules.
Sa isang post sa social media, sinabi ng OTS na nakita ang baril sa X-ray monitor.
Sa isinagawang manual checking, isang hindi natukoy na kalibre ng pistola na may kargang pitong bala ang natagpuan sa bagahe ng pasaherong patungong Japan.
Ayon sa OTS, ang nasabing baril ay itinurn-over sa Philippine National Police Aviation Security Group, habang ang pasahero ay inendorso para sa tamang disposisyon at karagdagang imbestigasyon.
Nabatid mula sa OTS na ang pagdadala ng baril sa paliparan ay mahigpit na ipinagbabawal, lalo na’t umiiral pa ang election gun ban na epektibo hanggang Hunyo 11. Jay Reyes