Home METRO Higit 11 toneladang campaign materials nakolekta sa unang araw ng clean-up

Higit 11 toneladang campaign materials nakolekta sa unang araw ng clean-up

MANILA, Philippines – IPINAHAYAG ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na tinatayang higit 11 tonelada ng campaign materials ang natanggal sa National Capital Region sa unang araw ng paglilinis matapos ang May 2025 midterm elections.

Ayon sa ulat ng MMDA, nasa 23,452 piraso ng campaign materials ang nakolekta mula sa 16 na lungsod at isang bayan sa rehiyon.

Karamihan sa mga tinanggal na campaign posters ay mula sa Maynila na may kabuuang 4.05 tonelada, sinundan ng Muntinlupa na may 1.66 tonelada, at Districts II, V, at VI sa Quezon City na may 1.27 tonelada.

Ang mga nakolektang campaign materials ay dadalhin sa mga pasilidad ng MMDA sa Ortigas at Marikina.

Ayon sa MMDA, ang mga natanggal na materials ay ipamamahagi sa mga partner beneficiaries tulad ng mga kulungan, ang organisasyong para sa may kapansanan na Tahanang Walang Hagdan, at sa environmental group na EcoWaste Coalition.

Noong Martes, nanawagan ang EcoWaste Coalition sa mga kandidato na tumulong sa pagtanggal ng kanilang sariling campaign materials. Hinikayat din ng grupo ang Commission on Elections (Comelec) at Department of the Interior and Local Government (DILG) na makipagtulungan sa mga lokal na pamahalaan para sa maayos na pagpapatupad ng post-election cleanup rules. Jay Reyes