MANILA, Philippines – NILAGDAAN ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang anim na batas na magtatatag ng mga bagong ospital sa Laguna at Zamboanga del Sur provinces at itataas ang bed capacities sa apat na lungsod sa bansa.
Ang pagtatayo ng mga bagong ospital at pag-apruba para dagdagan ang bed capacities ay nakapaloob sa Republic Acts (RAs) 12203, 12204, 12205, 12206, 12207, at 12208 na pinirmahan ni Pangulong Marcos noong May 8.
Nakasaad sa RA 12203 na itinaas nito ang bed capacity ng Region 1 Medical Center sa Dagupan City, Pangasinan sa 1,500 beds mula sa kasalukuyang 600 beds.
Itinaas din ni Pangulong Marcos ang bed capacity ng Amang Rodriguez Memorial Medical Center sa Lungsod ng Marikina mula 500 sa 1,000 beds sa pamamagitan ng RA 12204.
Base naman sa RA 12205, ang bed capacity sa Laguna Provincial Hospital – San Pedro District Hospital sa San Pedro City, Laguna ay itinaas sa 50 mula sa kasalukuyang 15 beds.
Nakasaad naman sa RA 12207 na pinahihintulutan na itaas ang bed capacity ng Amai Pakpak Medical Center sa Marawi City, Lanao del Sur sa 800 mula 400 beds.
Upgraded naman na ang umiiral na professional healthcare services at facilities sa mga nasabing ospital upang umayon at bumagay sa pagtaas ng bed capacity.
Pinirmahan din ni Pangulong Marcos ang RA 12206 na inaprubahan ang pagtatatag ng isang district hospital sa bayan ng Ramon Magsaysay sa Zamboanga del Sur province, na tatawagin bilang Zamboanga del Sur First District Hospital.
Ang RA 12208, sa kabilang dako, ay papayagan ang paglikha ng general hospital sa Lungsod ng Calamba sa Laguna, na kikilalanin bilang Calamba City General Hospital.
Inatasan naman ang mga lokal na pamahalaan ng Zamboanga del Sur at Calamba City, Laguna na magbigay ng kinakailangang pondo para sa pagtatatag ng mga bagong ospital.
Inatasan din ng mga bagong batas ang Department of Health (DOH) na isama sa subsidy program nito ang suporta para sa capital outlay requirements ng mga bagong ospital.
Ang mga bagong nilagdaang batas na isinapubliko, araw ng Miyerkules, ay magiging epektibo 15 araw matapos na mailathala sa Official Gazette o sa anumang pahayagan na may general circulation. Kris Jose