MANILA, Philippines – Inimbitahan ni Senate President Alan Peter Cayetano ang lahat ng miyembro ng minorya sa pamumuno ni Senate Minority Leader Vicente Sotto III na dumalo sa isang pulong bagon buksan ang panibagong pagdinig ng Senate blue ribbon sa flood control scandal sa Huwebes, June 4.
Sinabi ito ni Cayetano sa kanyang Facebook live kamakailan.
“So tanungin ko po kayo, gusto niyo mag-sesyon tayo, pero gagamitin nila yung numbers dahil po doon sa hindi makapasok si Senator Bato at dahil kinulong nila si Senator Jinggoy; at tinatakot ‘yung mga iba naming kasama na susunod na kayo; tapos hihintayin kung may event or di pwede ‘yung isa naming kasama or nag-CR lang, tapos papalitan yung mga miyembro ng committee, so hindi matutuloy ‘yung Blue Ribbon Committee sa Thursday,” aniya sa Facebook live.
“So, if may agam-agam, why don’t we have a meeting tomorrow how the Blue Ribbon Committee should proceed on Thursday?” tanong ni Cayetano.
Ayon kay Cayetano, nakatanggap siya ng liham mula kay Senador Panfilo Lacson kung paano matutuloy ang pagdinig ng Blue Ribbon kung walang miyembro ng minorya sa komite.
“I received a letter today from Senator Lacson […] So tinatanong niya kasi kung constituted na dahil wala pang mga miyembro ‘yung minority,” aniya.
“Paulit-ulit kami sa Section 19 ng rules… Na habang walang kapalit, sila pa rin… Until our last session, ni isa na committee, hindi naglagay ang minority. Hindi ko alam kung ginagawa nilang sadya or naniniwala sila, kasi sabi nila isang araw lang daw ako, isang linggo lang,” giit ni Cayetano.
Kasabay nito, pinabulaanan naman ng minorya ang agam-agam ng mayorya na kanilang pipigilan ang pagdinig ng blue ribbon committee hinggil sa flood control scandal.
“Walang pinipigil na hearings. Figment of their imagination ang ginagawa nila. Wala kaming ginagawang hadlang sa proseso ng Senado at mga agenda ng Senado,” ayon kay Senador Juan Miguel Zubiri.
Bilang tugon naman sa Panawagan ng minorya na magbitiw siya bilang Senate president, sinabi ni Cayetano na welcome ang sinumang miyembro nito na maging bahagi ng komite.
“So it’s up to you whether your messaging is simply, ‘pumasok kayo,’ ‘duwag kayo’ and ‘resign.’ Or whether you want to talk about the economy, the inflation, ‘yung presyo ng bigas, paano ‘yung mga OFW na mawawalan ng trabaho,” ani Cayetano.
“Kami, we are coming up with a schedule. Sa lahat ng committee welcome kayo. Aminin niyo naman, most of the works are done in the committees,” giit pa ng Senate chief. Ernie Reyes