Home METRO Suspek sa holdap nasakote matapos lumaban ng biktima, kapatid

Suspek sa holdap nasakote matapos lumaban ng biktima, kapatid

57
0

MANILA, Philippines – Isang 33-anyos na suspek sa robbery ang naaresto matapos siyang labanan ng kanyang biktima at ng kapatid nito habang nanghoholdap sa isang junk shop sa Barangay Talipapa, Quezon City.

Ayon sa pulisya, ang suspek na kinilalang alyas “Rolando” at isang kasamahan ay dumating sa junk shop bandang 4 a.m. noong Hunyo 1 sakay ng dalawang scooter-type na motorsiklo. Nagdala rin sila ng sako ng iba’t ibang junk materials bilang panakip.

Batay sa imbestigasyon, pumasok si Rolando sa establisyimento at naglabas ng hindi lisensyadong UZI submachine gun habang nagdeklara ng holdap, habang ang kasama niya ay nagbantay sa labas.

Napilitan ang biktima na ibigay ang ₱1,500, ngunit nanlaban ito kaya nagkaroon ng komosyon sa loob ng shop. Humingi ng tulong ang biktima, dahilan para rumesponde ang kanyang kapatid na nasa malapit at tumulong para ma-control ang suspek.

Nakatakas naman ang kasama ni Rolando patungong Mindanao Avenue bago dumating ang mga awtoridad.

Naaresto si Rolando sa lugar ng insidente ng Talipapa Police Station 3 at nabawi ang ninakaw na pera.

Nasamsam mula sa suspek ang UZI submachine gun na may 14 bala, dalawang scooter-type na motorsiklo, mga personal na gamit, at ang ₱1,500 na ninakaw.

Ayon sa pulisya, wala ring maipakitang dokumento ang suspek para sa baril na kalaunan ay nakumpirmang walang lisensya.

Kakasuhan si Rolando ng robbery with threat and intimidation sa ilalim ng Republic Act No. 10591 (Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act) at Republic Act No. 11235 (Motorcycle Crime Prevention Act) sa Quezon City Prosecutor’s Office.

Patuloy naman ang follow-up operation para maaresto ang kasamahan niyang si alyas “Alejo,” 31, mula sa Barangay Tandang Sora, Quezon City. RNT/MND

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here