PAMPANGA, Philippines – Umabot na sa 24 ang bilang ng mga nasawi sa pagbagsak ng isang gusaling itinatayo sa Barangay Balibago, Angeles City, ayon sa Bureau of Fire Protection (BFP) Central Luzon nitong Miyerkules.
Sa update ng BFP Central Luzon, isa pang bangkay ang nakuha mula sa gumuhong istruktura bandang 10:57 a.m. habang nagpapatuloy ang search, rescue, at retrieval operations.
“Another individual was successfully extricated at the collapse site, raising the total number of confirmed casualties to 24,” ayon sa BFP Central Luzon.
Dahil dito, nananatiling 24 ang kumpirmadong patay habang 27 naman ang nailigtas.
Ayon sa mga ulat, ang siyam na palapag na gusali ay gumuho bago magbukang-liwayway noong Mayo 24. Sinabi ng Department of Labor and Employment (Department of Labor and Employment) na may posibleng paglabag sa occupational safety and health standards sa construction site.
Nauna na ring pinatigil ang proyekto sa pamamagitan ng work stoppage order ng DOLE Region 3 dahil sa safety deficiencies, ngunit kalaunan ay ipinagpatuloy matapos umano sumunod ang kumpanya sa requirements ng ahensya.
Ayon sa mga abogado ng may-ari at contractor, handa silang tumulong sa mga biktima at nais ding magkaroon ng independent investigation sa insidente.
“Una po naming kinausap iyon pong Office of the Mayor po. Sila po ‘yung puwedeng tumulong sa amin at ipinaliwanag din po namin kung kakailangan pong pinansyal na tulong,” sabi ni Atty. Willie Rivera, kinatawan ng may-ari ng gusali.
“Hindi po tatakbo si contractor sa mga assistance na hihingiin ng families. Ang number one priority nila ngayon ay to help the affected families,” sabi naman ni Atty. Nicolai Manguerra, kinatawan ng contractor.