ISABELA- BUMAHA ng dugo sa loob ng sasakyan matapos pagbabarilin ng isang sundalo ang kanyang asawa, biyenan at kanilang driver, kahapon sa bayan ng Gamu.
Kinilala ang mga nasawi na sina Erlinda Ajel, misis ng suspek, biyenan nitong si Lolita Ramos, at driver nilang si Rolando Amaba, pawang mga residente ng Benito Soliven, Isabela.
Kasalukuyan naman nakakulong sa lock up facility ng Gamu Police Station ang suspek na si Sgt. Mark Angelo Ajel, naka-assign sa 503rd Infantry Brigade, Calanan, Tabuk City, Kalinga.
Batay sa report ng Gamu Police Station, naganap ang krimen nitong Huwebes (Oktubre 10, 2024) sa loob ng nasabing kampo sa 5th Infantry Division, Brgy. Upi, Gamu, Isabela.
Ayon sa pahayag ni Sgt. Rommel Narag, sa pulisya, nakita niya ang isang van na dumaan sa loob ng kampo at ilang minuto ang makalipas ay nakarinig na ito ng magkasunod na putok ng baril.
Agad naman niyang ipinagbigay-alam sa kanyang mga kasamahan ang narinig nitong putok at dali-dali nilang itong pinupuntahan.
Pagdating sa sasakyan ng suspek nakita nilang hawak ang baril kaya agad nila itong inaresto habang ang mga biktima ay dinala sa ospital subalit idineklara na rin patay ang mga ito ng doktor.
Sa ngayon inaalam pa ng mga awtoridad ang tunay na motibo sa krimen.
Nahaharap naman sa kasong parricide at 2 murder ang suspek./Mary Anne Sapico