Home METRO Mister itinumba habang nagmamaneho

Mister itinumba habang nagmamaneho

PANGASINAN-Tigok ang isang 55-anyos na lalaki matapos na pagbabarilin sa national highway sa Brgy. Sta. Maria, San Jacinto ng lalawigang ito kahapon ng 12:45 ng madaling araw.

Kinilala ang biktima na si Orlando Jacob Tabayoyong, may asawa, driver, residente ng Brgy. Banuar, Laoac, Pangasinan.

Sa inisyal na imbestigasyon, minamaneho ng biktima ang kanyang Skygo motorized Tricycle (garong) para pumunta ng San Jacinto Town Proper.

Nakasakay din sa naturang sasakyan ang kanyang misis na si Rosemarie Bacting Tabayoyong, 55, fish vendor at isa pang pasahero na si Nenita Calderon Danao, 69, may asawa, fish vendor, residente rin ng Brgy Banuar, Laoac, Pangasinan.

Habang nagmamaneho ang biktima ay bigla na lang pinagbabaril ng dalawa sa tatlong hindi pa nakikilalang mga suspek.

Matapos ang pamamaril ay agad na kinuha ng mga suspek ang cash money ng dalawang pasahero ng biktima at mabilis na tumakas gamit ang dalawa nilang getaway motorcycle na isang Yamaha NMAX at Yamaha Mio na parehong walang nakalagay na plate number.

Dahil sa mga tinamong tama ng bala ng baril, ang biktima ay agad na binawian ng buhay samantalang ang dalawang kasama nito ay hindi naman sinaktan ng mga suspek.

Patuloy ang ginagawang imbestigasyon ng San Jacinto Municipal Police Station para alamin kung ano ang talagang motibo sa krimen at tukuyin kung sino ang mga salarin. Rolando S. Gamoso