MAGUINDANAO DEL NORTE — Laslas ang leeg at naliligo sa sariling dugo nang matagpuan ang bangkay ng isang 50-anyos na mister matapos pagtulungan siyang katayin ng kanyang mismong misis at loverboy, kagabi sa Sultan Kudarat.
Kinilala ang biktimang si Norodin Gumaga Mustapha, driver at residente ng Barangay Ladia, Sultan Kudarat, Maguindanao del Norte.
Nadakip naman ang mga suspek na misis ng biktima na si Baby Ana Maliga Biwang, 25-anyos, at umano’y loverboy nitong si Montasir Baito Usop, 22-anyos, construction worker, at nakatira sa nasabing lugar.
Batay sa ulat ng Sultan Kudarat Municipal Police Station, bandang alas-10:00 ng gabi naganap ang krimen sa loob ng bahay ng mag-asawang Mustapha sa nabanggit na lugar.
Lumabas sa paunang imbestigasyon ng pulisya, nakarinig ng ingay ang kapatid ng biktima mula sa bahay nito at inisip niyang normal na away mag-asawa lamang. Nagtungo ang kapatid ng biktima sa bahay upang alamin ang pangyayari, subalit nakita niyang pinagsasaksak na ito ng misis (suspek) at nilaslas pa ang leeg saka tumakas ang dalawa bitbit ang itak.
Agad isinugod sa ospital ang biktima upang lapatan ng lunas, subalit idineklara na itong patay ng umatending doktor.
Mabilis na rumesponde ang mga awtoridad at agad nadakip ang mga suspek.
Nagpapatuloy ang ginagawang imbestigasyon ng pulisya upang alamin ang tunay na motibo sa krimen at inihanda na rin ang kasong isasampa laban sa mga suspek. (Mary Anne Sapico)