Home METRO Miyembro ng MILF todas, 4 sugatan sa pananambang

Miyembro ng MILF todas, 4 sugatan sa pananambang

COTABATO CITY- Patay ang isang miyembro ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) habang sugatan ang apat na sakay nito matapos silang tambangan ng gunman sa gitna ng kalsada, kahapon sa lungsod na ito.

Kinilala ni Captain Teofisto Ferrer Jr., hepe ng police station 2, ang nasawi na si Ahma Utto, 25, driver ng Toyota Hi-Lux pick up truck na may plakang LGB-155.

Sugatan ang mga sakay nitong sina Marathi Felmin, Jaypee Emran, Alladin Utto at Tahir Tega Sam.

Tugis naman ng pulisya ang suspek na kinilalang si Kanandok Mukadas, 33, ng Sultan Barongis, Maguindanao del Sur.

Batay sa report ng pulisya, bandang alas-2:30 ng hapong nang maganap ang krimen sa may interseksyon ng Sinsuat Avenue at Gov. Gutierrez Avenue.

Lumabas sa imbestigasyon ng pulisya, minamaneho ni Ahma ang pick-up truck at pauwi na sana ang mga ito sa kanilang tahanan pagkatapos bumisita sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) compound.

Pagsapit sa nasabing lugar, bigla na lamang sumulpot ang suspek at pinagbabaril ang mga biktima nang walong beses.

Matapos ang krimen, tumakas ang suspek at sumakay sa motorsiklo sa naghihintay sa kabilang kalsada.

Sa pahayag ng mga kaanak, matagal na alitan ang motibo sa krimen.

Nagpapatuloy naman ang ginagawang imbestigasyon ng pulisya sa nasabing krimen. Mary Anne Sapico