Home METRO Miyembro ng ‘Sputnik Gang’ timbog sa boga sa Pasay

Miyembro ng ‘Sputnik Gang’ timbog sa boga sa Pasay

MANILA, Philippines – Isang miyembro ng kilabot na “Sputnik Gang” ang nadakip ng mga tauhan ng Pasay City police Substation 2 sa isinagawang operasyon laban sa krimen nitong nakaraang Huwebes, Marso 7.

Kinilala ni Pasay City police chief P/Col. Mario Mayames, Jr. ang nadakip na suspect na si alyas Dan, 22, kitchen steward, habang nakatakas naman ang kanyang angkas sa motorsiklo.

Base sa report ni Mayames, naganapang pag-aresto ng mga tauhan ng Substation 2 dakong alas 6:10 ng gabi sa Barangay 39, Zone 5, Pasay City.

Sinabi ni Mayames na sa mga oras na iyon ay nagsasagawa ng “Oplan Sita” ang mga tauhan ng Substation 2 nang mamataan ng mga ito ang isang kulay pink na motorsiklo lulan ang dalawang suspects.

Ayon kay Mayames, nang makita ng mga suspects ang checkpoint ay umiwas ang mga ito sa lugar ngunit hinabol naman ito ng mga operatiba.

Sa pagkakataong ito ay maagap na nakatas ang angkas ni alyas Dan habang nakorner naman ito ng mga humabol na pulis na nagresulta ng kanyang pagkakaaresto.

Sa pagsasaliksik kay alyas Dan ay narekober sa kanyang posesyon ang isang .38-kalibre rebolber na kargado ng limang bala na nakasukbit sa kanyang baywang.

Agad na dinala sa custodial facility ng Pasay City police ang suspect kung saan ito kinulong habang hinihintay ang pagsasampa ng kasong paglabag sa Republic Act 10591 (The Comprehensive Law on Firearms and Ammunition) sa Pasay City Prosecutor’s Office. James I. Catapusan

Previous articleWanted na rapist, arestado sa Caloocan
Next articleP13.6M shabu nasamsam sa Sulu