MANILA, Philippine- Maisisisi sa lumang drainage systems ang malawakang pagbahang nararanasan sa National Capital Region partikular nang tumama sa bansa si Bagyong Carina noong Hulyo, ayon sa Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) nitong Martes.
“I think it’s pretty much accurate that the flooding was caused by an unprecedented amount of rain, garbage, and maybe I can add, the third one, which is our antiquated drainage system, which were mostly constructed during the 1970s or 50 years ago,” pahayag ni MMDA chairperson Romando Artes Jr. sa Road to Zero Waste Summit sa Pasig City.
Isinailalim ang Metro Manila sa state of calamity dahil sa malawakang pagbaha sa ilang lungsod dulot ng southwest monsoon na pinalakas ni Carina noong Hulyo.
Nakapagtala ng 15 nasawi sa metropolis kasunod ng pananalasa ni Carina at ng southwest monsoon.
Sinabi ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na ang climate change at basura sa National Capital Region (NCR) ang mga pangunahing sanhi ng malawakang pagbahang dulot ng malakas na pag-ulan noong panahong iyon.
Gayundin, sinabi pa ng MMDA na naging mahirap ang pagkolekta ng basura kasunod ng pagbaha.
“We in the agency had difficulty catching up and cleaning up all the garbage left by Typhoon Carina, which of course was generated by communities. The local government units were not able to collect it, maybe because it’s thrown somewhere else,” ani Artes.
Batay sa datos ng MMDA, nasa 12 hanggang 17 truck loads ng waste debris ag nakolekta kasunod ni Carina.
Nauna nang sinabi ng Department of Public Works and Highways (DPWH) na balak nitong gayahin ang Bonifacio Global City underground water impounding structure sa Taguig City para sa ibang lugar sa NCR.
Gayundin, sinisilip buhayin ang 1975 flood control master plan na magdadagdag ng water exit para sa Pasig River. Subalit, sinabi ng Muntinlupa City government na magigiba ng Parañaque Spillway ang bahagi ng Barangay Bulig na may 13,000 populasyon. RNT/SA