MANILA, Philippines – Inihahanda na ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang mga hakbang para sa pagbaha kasabay ng pagsisimula ng southwest monsoon o habagat noong Mayo 30.
Ayon kay MMDA General Manager Nicolas Torre III, nauna na nilang sinimulan ang declogging at dredging ng mga daluyan ng tubig bago pa man pumasok ang habagat.
Sinabi niya na pangunahing estratehiya ng MMDA ang paglilinis, pagpapalalim, pagpapaluwag, at pagbabantay sa mga daluyan ng tubig upang maiwasan ang malawakang pagbaha.
Dagdag pa niya, naglagay na rin ng mga sensors sa mga flood-prone area upang agad mamonitor ang sitwasyon at makaresponde bago pa lumala ang pagbaha.
Mayroon ding 71 pumping stations ang MMDA sa Metro Manila na ginagamit para sa flood mitigation.
Nauna nang ininspeksyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang Sunog Apog Pumping Station sa Maynila na muling pinaandar matapos anim na taon na hindi nagagamit. RNT/MND