MANILA, Philippines – Aprunbado na sa Kamara sa ikatlo at huling pagbasa ang isang malawak na panukalang batas na naglalayong magtatag ng isang permanenteng pambansang framework para sa emergency response upang protektahan ang mga Pilipino laban sa fuel-driven inflation, krisis sa enerhiya, at mga aberya sa supply.
Sa botong 294 pabor, tatlo ang kontra, at walang abstention, ipinasá ang House Bill (HB) No. 9305, o ang iminumungkahing “Komprehensibong Alalay sa Livelihood, Inflation, Negosyo at Goods Assistance (KALINGA) Act.”
Pangunahing may-akda ng panukala sina Speaker Faustino nDy III at House Majority Sandro Marcos, na sinuportahan din ng 156 na iba pang mbabatas bilang co-authors.
Sa ilalim ng panukalang, institutionalize na ang isang whole-of-government emergency response framework kung saan awtomatikong magpapatupad ng mga intervention ang pamahalaan kapag naabot ang partikular na threshold sa presyo ng langis, supply ng enerhiya, o krisis sa ekonomiya.
Maaaring magdeklara ang Pangulo ng state of national energy emergency kung mananatiling mataas ang presyo ng krudo sa pandaigdigang merkado, mabilis ang pagtaas ng lokal na presyo ng petrolyo, o bumagsak sa kritikal na antas ang imbentaryo ng langis sa bansa.
Kapag nangyari ito, papayagan ang mga pansamantalang emergency measure para mapanatiling matatag ang presyo ng mga bilihin, maprotektahan ang mga bulnerableng sektor, at masiguro ang supply chain.
Kabilang sa mga pangunahing ayuda sa ilalim ng bill ang targeted cash assistance, fuel subsidies, transport support, food vouchers, electricity subsidies, tulong sa MSMEs, agricultural at fisheries assistance, emergency financing, at strategic fuel reserve mechanisms.
Prayoridad na makatatanggap ng tulong ang mga low-income households, minimum wage earners, displaced workers, pampublikong tsuper at operator, delivery riders, magsasaka, mangingisda, MSMEs, at mga OFW.
Upang maiwasan ang korapsyon , ipag-uutos ang paggamit ng digital beneficiary databases, verified registries, at digital payment systems sa pamamahagi ng ayuda.
Itatatag din ang KALINGA National Response Council na pamumunuan ng Executive Secretary kasama ang ilang opisyal ng Gabinete upang mangasiwa sa operasyon. Isasailalim naman sa congressional oversight at pagsusuri ng Commission on Audit (COA) ang lahat ng gagawing paggastos dito. Gail Mendoza