MANILA, Philippines – IPINAHAYAG ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na nasa mahigit 50 mga motorista ang posibleng maharap sa kasong kriminal dahil sa sinasadyang pagkukubli ng kanilang plaka.
Ang pahayag ay sinabi ni MMDA Special Operations Group Strike Force head Gabriel Go kasabay ng isinagawa nilang pagpasa sa Land Transportation Office (LTO) ng mga kuha at dokumento ng mga motoristang sinasadyang takpan, itago, at i-tampered ang kanilang plaka upang makaiwas sa Non-Contact Apprehension Policy (NCAP).
Bilang kinatawan ni MMDA Chairman Atty. Don Artes, pinangunahan ni Go ang pag-eendorso sa mga gumagawa ng Takip-Plaka na hindi lang nahagip ng kuha ng NCAP kundi maging ang mga nai-post sa social media.
Ayon kay Go, sa loob lamang ng isang linggong implementasyon ng NCAP, 90% na ang mga motorista, na karamihan ay motorsiklo, ang nahuling tinatakpan ang kanilang plaka
“Chairman Artes ordered our field personnel to physically apprehend and to issue citation tickets to vehicles with concealed license plates immediately. The MMDA continuously monitors traffic situations using CCTV cameras at our MMDA Communication and Command Center,” ayon kay Go.
Tiniyak naman ni LTO Executive Director Greg Pua, Jr. na kaagad nilang padadalhan ng show cause orders ang mga lumabag na motorista.
Nagbabala din si Pua sa mga pasaway at lalabag na mapapatawan ng parusang pagkabilanggo ng mula anim na buwan at isang araw hanggang dalawang taon o pagbabayad ng hindi hihigit sa P10,000, na nakasaad sa ilalim ng Article II Section 12 ng R..A. 11235 o ang Motorcycle Crime Prevention Act.
Aapela naman ng tulong ang LTO sa Anti-Cybercrime Group at iba pang ahensiyang nagpapatupad ng batas upang tugisin ang mga motoristang nagtataguyod ng maruming taktika sa social media at nagbebenta ng mga gamit na nakalaan upang itago ang detalye ng mga plaka ng sasakyan.
Hinimok naman ng LTO at MMDA ang publiko na i-report ang ganitong uri ng masamang gawain upang kaagad nilang magawan ng hakbang. JAY Reyes