MANILA, Philippines- Patay ang isang tauhan ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) matapos mabangga ng SUV sa EDSA P. Tuazon tunnel sa Quezon City nitong Sabado.
Kalaunan ay pinakawalan ang SUV driver mula sa police custody nitong Linggo matapos magkaareglo ang mga panig.
Naganap ang aksidente ilang minuto bago sumapit ang alas-2 ng madaling araw nitong Linggo, base sa ulat nitong Sabado.
Dalawang tauhan ng MMDA Parkway and Clearing department ang nasa northbound side ng tunnel upang maglinis ng tiles sa pader.
Isa sa kanila ang naglilinis ng tiles habang ang isa ay nagmamando ng trapiko.
Naglagay ng traffic cones sa kalsada upang saraduhan ang isang lane. Naglagay din ng tatlong warning devices sa lugar.
Subalit, makikita sa CCTV footage na pumasok ang isang SUV sa cordoned-off lane at nabangga ang MMDA personnel na nangangasiwa sa trapiko.
Base sa isa pang MMDA personnel na naglilinis, mabilis ang takbo ng SUV, na nagresulta sa aksidente.
Dinala ang biktima sa ospital subalit idineklarang dead on arrival.
Isinailalim ang SUV driver sa kustodiya upang harapin ang kasong reckless imprudence resulting in homicide, base kay Police Captain Napoleon Cabigon, commander ng Quezon City Police District Traffic Sector 3.
“Definitely, we’ll be looking into proper action or even legal remedies as regards po sa nangyari dito sa ating personnel… As always naman, ‘yung safety ng ating mga personnel is the first and foremost priority ng ating ahensiya and as regards to safety measures, sufficient naman po,” ani MMDA Strike Force officer-in-charge Gabriel Go.
Pagsapit ng Linggo ng hatinggabi, nagkaareglo ang mga pamilya ng biktima at ng SUV driver, base kay Cabigon, ayon sa ulat.
Inamin ng driver na nakatulog ito habang nagmamaneho at hindi napansin ang MMDA personnel. Hindi agad siya nakapreno, at iginiit na pinagsisisihan ang nangyari.
Sasagutin ng driver ang gastos sa burol at pagpapalibing at magbibigay ng financial assistance upang suportahan ang pamilya ng biktima, ayon sa kanyang abogado. RNT/SA