MANILA, Philippines – Plano ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na magtayo ng 72,000-cubic-meter underground rainwater facility sa open field ng University of Santo Tomas (UST) upang makatulong na mabawasan ang paulit-ulit na pagbaha sa España Boulevard.
Batay sa blueprint na nakuha ng The Flame, student publication ng UST Faculty of Arts and Letters, ang proposed Rainwater Infiltration Facility (RIF) ay may sukat na humigit-kumulang 100 metro ang haba, 80 metro ang lapad at 9 metro ang lalim.
Sa disenyo, ilalagay sa ilalim ng UST open field ang imbakan ng tubig na tatanggap ng rainwater mula sa feeder line at maglalabas nito sa hiwalay na outlet na konektado sa drainage system ng España Boulevard.
Nakabatay ang proyekto sa tinatayang 28,800 square meters na bahaging binabaha sa España Boulevard, na may average depth na 0.5 metro o katumbas ng tinatayang 14,400 cubic meters na tubig. Mas malaki nang ilang ulit ang kapasidad ng planong pasilidad.
Sa isang liham na may petsang Agosto 21, 2026, iminungkahi ng MMDA kay UST Rector Rev. Fr. Richard Ang, O.P. ang pagtatayo ng RIF sa loob ng unibersidad. Napag-usapan din ito sa isang coordination meeting kasama sina Manila Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso at mga opisyal ng UST.
Gayunman, dati nang tinanggihan ng UST administration ang katulad na proyekto dahil sa pangamba sa epekto ng konstruksyon sa open field, na kinilala bilang National Cultural Treasure noong 2015.
Ayon sa conceptual design, underground ang pasilidad kaya maaari pa ring magamit bilang pampublikong espasyo ang open field sa ibabaw nito. Layunin ng proyekto na pansamantalang mag-imbak ng tubig-ulan tuwing malakas ang pag-ulan upang mabawasan ang tubig na pumapasok sa drainage system ng Maynila.
Gayunman, nananatiling malaking konsiderasyon ang lokasyon dahil bahagi ng makasaysayang bakuran ng UST ang open field at mahalaga ito sa kultura at kasaysayan ng unibersidad. RNT/MDS