Pinaalalahanan ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang mga kandidato sa Eleksyon 2025 na ang motorcades at caravans ay papayagan lamang tuwing weekend at holiday.
Ayon kay MMDA Chairperson Romando Artes, walang permit na ibibigay para sa weekdays sa mga kalsadang sakop ng MMDA. Kinakailangang kumuha ng road user permits, at ang mga lalabag ay bibigyan ng tiket.
Dapat isumite ng mga organizer ang kanilang kahilingan pitong araw bago ang motorcade at maglaan ng traffic marshals at control devices. Ipinagbabawal ang paggamit ng national highways, maliban sa pagtawid sa bukas na interseksyon.
Hindi rin pinapayagan ang road closures, at dapat manatili sa isang linya ang motorcade nang walang nakaparadang sasakyan sa ruta. Makikipagtulungan ang MMDA sa mga lokal na pamahalaan para sa maayos na daloy ng trapiko.
Ang hindi pagsunod ay maaaring magresulta sa pagkansela ng permit. Nagsimula na rin ang lokal na kampanya kasabay ng “Oplan Baklas,” kung saan inaalis ang ilegal na campaign materials sa pampublikong lugar. Santi Celario