Home NATIONWIDE Modernisasyon ng mga paliparan sa W. Visayas, iniatas ni PBBM

Modernisasyon ng mga paliparan sa W. Visayas, iniatas ni PBBM

170
0

MANILA, Philippines – IPINAG-UTOS ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., araw ng Lunes, Enero 19, sa Department of Transportation (DOTr) at ang Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) na tiyakin ang maayos na pagpapatupad ng modernisasyon ng mga paliparan sa Western Visayas, bilang katuparan ng pangako ng pamahalaan na palakasin ang turismo at aktibidad pang-ekonomiya sa rehiyon sa pamamagitan ng pagpapabuti ng mga pasilidad pang-aviation.

Ito ay kasunod ng pagpapasinaya ni Pangulong Marcos ng Antique Airport Development Project sa San Jose de Buenavista, Antique.

“Bahagi ang Antique Airport Development Project sa mas malawak na modernisasyon para sa buong Western Visayas,” ayon sa Pangulo.

Inihayag pa rin ng Chief Executive na patuloy rin ang rehabilitasyon ng iba’t ibang pasilidad ng Iloilo International Airport gaya ng Passenger Terminal Building, mga escalator, flight information display system, at pagpapabuti ng baggage handling system.

Gayundin ang pag-aaspalto ng runway ng Iloilo International Airport upang mapabuti ang kaligtasan ng mga biyahero.

May katulad din anyang mga hakbang ang isinasagawa sa Roxas Airport gaya ng pag-aaspalto ng runway.

Magsisimula rin ngayong taon ang konstruksyon ng airport control tower, ayon sa Pangulo.

“Umaasa ako na pananatilihin ng DOTr at CAAP ang kalinisan, kaayusan, at organisasyon ng mga pasilidad na ito,” direktang utos ng Punong Ehekutibo.

“Gawin ninyo itong pamantayan para sa ating serbisyo sa mga residente at ating mga turista. Tiyakin ninyong naisasagawa nang maayos ang mga proyekto upang mas mabilis itong mapakinabangan ng ating mga mamamayan,” ani ito.

Kaya nga, sinabi ng Pangulo na ipinatutupad ng pamahalaan ang iba’t ibang proyekto sa rehiyon at sa buong bansa upang magbigay ng pangmatagalang benepisyo para sa mamamayan.
(Kris Jose)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here