Home NATIONWIDE Modernong alert system vs kalamidad tulad ng Big One, aprubado sa Senado

Modernong alert system vs kalamidad tulad ng Big One, aprubado sa Senado

MANILA, Philippines – Inaprubahan ng isang komite ng Senado ang Earthquake Monitoring ang Early Warning System Act bilang paghahanda ng bansa sa inaasahang “big one” at iba pang kalamidad na hahagupit, hindi lamang sa Metro Manila kundi sa iba’t-ibang bahagi ng bansa.

Sa pagtatapos ng ilang serye ng pagdinig ng Senate committee on science and technology, inihayag din ni Senador Alan Peter Cayetano na inaprubahan din ang panukalang modernization program ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs).

Ayon kay Cayetano, chairman ng naturang komite, mahalaga na magkaroon nang maayos na sistema sa paghahatid ng impormasyon bilang bahagi ng kahandaan sa anumang kalamidad tulad ng “The Big One.”

“God forbid that the ‘Big One’ hits Metro Manila, and it can also hit Mindanao, Metro Cebu, or Baguio City. Not only should we consider the preparedness, but the cascading of information kasi as presented earlier, pwedeng down ang lahat ng [communication] lines,” ayon sa senador sa pagdinig nitong Pebrero 12, 2024.

Ipinaliwanag ni Cayetano na nagkaroon ng malaking problema nang salantain ng bagyong Yolanda ang bansa partikular ang Tacloban City dahil kapos sa inaasahang warning at alert system at kawalan ng matatag na communication networks.

Noong tumama ang Yolanda, ayon kay Cayetano, umabot lamang sa 30 satellite phones ang buong network ng gobyerno na hawak ng militar noon kaya walang nadidinig na balit ang mamamayan sa nangyayari sa ibang bahagi ng Leyte at Samar sa unang linggo ng pananalanta ng bagyo.

“In the future we’d like to ask the Metro Manila Development Authority (MMDA) and local government units (LGUs), if something does happen, are we dependent on cell phones? Kapag nawalan ng signal, do we have an alternative? Nagkaroon din ng problema ang satellite phones noon (during Yolanda) sa charging,” ayon sa senador.

Binanggit din ni Cayetano ang kahalagahan ng pagmamapa ng pampublikong imprastruktura na nasa ibabaw ng fault line, kabilang ang pagsusuri ng linya ng komunikasyon.

“I don’t know if any of our train systems, skyways are built on top of a fault line. Assuming meron na ngang tremor, is there any direct information about the LRT, MRT, Skyway, or is it through media na nagmomotor din sila?” tanong ni Cayetano.

Sinabi ni Phivolcs Director Teresito Bacolcol na ang kanilang ahensya ay kadalasang nagbibigay ng impormasyon sa National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) at Office of Civil Defense (OCD), na silang nagbibigay ng impormasyon.

Sinabi ni Bacolcol na nagpo-post din ang Phivolcs ng real-time na impormasyon sa pamamagitan ng mga social media account nito.

Binigyang-diin rin ni Cayetano ang kahalagahan sa pag-mapa ng fault line sa buong bansa at pamamahagi ng impormasyon sa mga ahensyang namamahala sa pampublikong imprastraktura.

“Since titingnan na rin yung mga bahay [na nasa fault line], tingnan na rin natin yung MRT, LRT, highway so that we know if nakikinig lang ba sila sa media or meron ba silang direct information, kumbaga yung first red phone na magriri-ring kung may problema,” aniya.

Hinggil naman sa pangangailangan sa mas maraming kawani sa Phivolcs, iminungkahi din ni Cayetano sa ahensya na bumuo ng isang scholarship program na maghihikayat sa kabataang Pilipino na kumuha ng in-demand na kurso sa agham tulad ng hazard mapping.

“We’ll try to put something in the bill that would encourage Phivolcs to have a special scholarship program,” aniya.

Natapos ang pagdinig sa pangunguna ni Cayetano sa pag-apruba sa Phivolcs Modernization Act at Earthquake Monitoring and Early Warning System Act sa antas ng Senate Committee on Science and Technology. Ernie Reyes

Previous article100% media violence resolution tinukoy ng PTFoMS
Next article‘Buleg’ nadakma sa P245K damo sa Bulacan buy-bust