Home HOME BANNER STORY Money vaults sa ni-raid na Bataan BPO pwersahang binuksan

Money vaults sa ni-raid na Bataan BPO pwersahang binuksan

MANILA, Philippines – Nadiskubre ang bulto-bultong pera sa iba’t ibang currencies na nagkakahalaga ng P12 milyon sa loob ng 12 money vaults na pwersahang binuksan ng mga awtoridad.

Ang mga money vault na ito ay natagpuan sa loob ng ni-raid na business process outsourcing (BPO) firm na Central One Bataan sa Bagac.

Ayon sa ulat, sinubukang buksan ng mga awtoridad ang vault gamit ang mga password ngunit bigo nila itong magawa.

Sa bisa ng court order, nagsimulang buksan ng mga awtoridad ang mga vault sa loob ng BPO premises.

Ang proceedings ay sinaksihan ng mga pulisya, tauhan ng Anti Money Laundering Council, barangay at BPO.

Nagawang mabuksan naman ng mga tauhan ng Bureau of Fire Protection ang dalawa sa mga vault gamit ang hydraulic cutters at specialized equipment.

Dito na nakita ang P12 milyong halaga ng cash at iba’t ibang dokumento.

Bagamat walang tugon ang mga representative ng BPO ay nakipagtulungan ang mga ito sa pagbubukas ng mga vault.

Sa inisyal na raid, nasamsam ng mga awtoridad ang mahigit P30 milyon mula sa dalawang nabuksang vault.

Nagsasagawa ng inventory ang Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) sa laman ng mga ito.

“Ito po ‘yung pera, [para sa] operations po ito. It’s a big company employing 1,600 employees, so this money is used for operations. Again, we are here to cooperate with the authorities,” ayon kay Don Chiong, Central One Bataan legal counsel.

Nauna nang sinabi ng Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) na nilusob nila ang BPO dahil sa umano’y mga insidente ng labor trafficking at illegal gambling operation.

Nanindigan naman si Bataan Representative Albert Garcia at sinabing ang Central One Bataan ay isang lehitimong BPO firm na may mahigit 1,000 manggagawa mula sa probinsya. RNT/JGC