Home NATIONWIDE VP Sara dismayado sa pagkaantala ng Mindanao Railway project

VP Sara dismayado sa pagkaantala ng Mindanao Railway project

MANILA, Philippines – Dismayado si Vice President Sara Duterte nitong Miyerkules, Nobyembre 20 kaugnay sa pagkaantala ng konstruksyon ng Mindanao Railway Project dahil sa funding issues.

Sa panayam, sinabi ni Duterte na tumakbo siya bilang Bise Presidente noong 2022 sa pag-asang maitutuloy ng “Build Build Build” program sa ilalim ng administrasyon ng kanyang ama na si dating Pangulong Rodrigo Duterte.

“‘Yan din ang kinakasama ng loob ko dahil I ran on the platform of continuity and unity, particularly the ‘Build Build Build’ program of the previous administration of President Duterte,” aniya.

“In fact, hindi lang ‘yung Mindanao Railway ang unappropriated ang Philippine government part na mga obligations. Mayroon pang ibang mga projects na ganu’n rin hanggang ngayon. Kaya masakit. Masakit sa loob ko dahil napakalaking tulong niyan, hindi lang sa Mindanao, lahat ng mga projects sa buong bansa,” dagdag ni Duterte.

Noong 2021, tinukoy na ang konstruksyon ng Phase 1 ng naturang railway project ay magsisimula sa ikalawang quarter ng 2022 at target ang partial operation sa katapusan ng taon.

Ang Phase 1 ay may habang 100.2 kilometro at may walong istasyon na nagkakahalaga ng P81.6 bilyon.

Nakatakdang magsimula ang konstruksyon ng Mindanao Railway para sa phase 1 o Tagum-Davao-Digos segment noong Enero 2019.

Noong Setyembre 22, 2023, nagpadala ng liham si dating Finance Secretary Benjamin Diokno kay Chinese Ambassador Huang Xilian na nagsasabing hindi na itutuloy ng bansa ang loan financing para sa Mindanao Railway Project (MRP) mula China.

Kinumpirma rin ni Transportation Secretary Jaime Bautista noong Oktubre 2023 na binitawan na ng ahensya ang Chinese official development assistance (ODA) bilang funding source para sa MRP at dalawa iba pang railway projects dahil hindi umuusad ang negosasyon kaugnay nito.

Kalaunan ay sinabi ni Bautista na babaguhin ng DOTR ang kabuuan ng proyekto at isasaprayoridad ang pagbuo ng modern at environment-friendly railway system sa southern Philippines.

Para kay Duterte, umaasa naman ito na magpapatuloy ang railway project sa Mindanao.

“We are still hopeful na matutuloy ‘yung mga [that the] ‘Build Build Build’ big ticket projects [will continue],” aniya. RNT/JGC