Upang matulungan ang mga naapektuhan ng kalamidad ipinag-utos ng Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD) ang mga key shelter agencies (KSA) nito na magpatupad ng moratorium sa buwanang pagbabayad ng kanilang mga benepisyaryo na apektado ng Bagyong Carina.
Sa isang memorandum na inilabas ni DHSUD Secretary Jose Rizalino Acuzar noong Biyernes, inatasan niya ang mga KSA, ang Home Development Mutual Fund o Pag-IBIG Fund, National Housing Authority (NHA), ang Social Housing Finance Corporation (SHFC) at ang National Home Mortgage Finance Corporation (NHMFC) na magbigay ng isang buwang moratorium sa mga pagbabayad para sa kanilang mga kliyenteng naapektuhan ng bagyo.
Kaugnay nito binigyang-diin ng Kalihim na ang naturang aksyon ay paraan ng Kagawaran ng pagpapaabot ng tulong at pagpapagaan ng pasanin ng mga pamilyang naapektuhan ng bagyo.
“Bilang bahagi ng aming pagsisikap sa pagtugon sa kalamidad, ang mga KSA ay inaatasan na magbigay ng isang buwang moratorium sa pagbabayad ng buwanang amortisasyon sa kani-kanilang mga kliyenteng apektado ng kalamidad na ito, na napapailalim sa kanilang panloob na mga patakaran at regulasyon,” utos ni Secretary Acuzar.
“Ito ay bilang pagsunod na rin sa direktiba ng Pangulo na ipaabot ang lahat ng kinakailangang tulong sa mga naapektuhan ng bagyo,” dagdag pa ng Kalihim.
Ang hakbang ng DHSUD ay makikinabang sa libu-libong pamilyang Pilipino na may mga natitirang pautang sa mga KSA.
“Ito po ang agarang tulong at tugon ng DHSUD at mga KSA sa utos ng ating mahal na Pangulong Bongbong Marcos Jr. na ibigay ang lahat ng tulong sa mga naapektuhan ng kalamidad,” pagtatapos ni Secretary Acuzar.
Bilang pinuno ng DHSUD, si Secretary Acuzar ay kasabay na nagsisilbi bilang tagapangulo ng mga lupon ng NHA, SHFC, NHMFC at Pag-IBIG Fund–lahat nag-aalok ng pabahay at iba pang mga pautang na may kaugnayan sa tirahan.
Bukod sa moratorium, sinabi rin ni SHFC President Federico Laxa na nakapaghanda sila ng 9,132 relief packs na ipapamahagi sa mga pamilyang naapektuhan ng bagyo sa loob ng kanilang mga project sites.
Una rito, inanunsyo rin ng Pag-IBIG Fund ang paglalaan ng Php3 bilyon na calamity loan para sa mga miyembro nito. Noong Biyernes ng tanghali, hindi bababa sa 250 loan applications ang natanggap.
Ang Pondo ay nagpapakalat din ng kanilang Pag-IBIG on-wheels mobile offices sa mga apektadong lugar upang maghatid ng mga serbisyo sa frontline na mas malapit sa mga tao. (Santi Celario)