MANILA, Philippines- Nagsagawa ang Senate committee on women, children, family relations, and gender equality ng executive session kasama si dismissed Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo upang isiwalat ang mga detalyeng ayaw niyang ilahad sa publiko.
Si Senator JV Ejercito ang nagmungkahi ng pagsasagawa ng closed door session kasama si Guo, na kalaunan ay inaprubahan at ginawa ng Senate panel sa opisina ni Majority Leader Francis Tolentino.
Inihayag ito ni Ejercito sa gitna ng paninindigan ni Guo na hindi siya ang “mastermind” sa POGO operations sa Bamban, Tarlac at inilarawan ang kanyang sarili na “just a victim.”
“Hindi po ako guilty po…’Di naman po sa ginamit. If ever po, kung meron po akong naitulong, ano po akong tao, helpful akong tao. Kung meron man po, yun lang po. Sa mga activities po na ginawa or sa mga allegations po, wala po akong kinalaman,” wika ni Guo.
“I think, sa tagal po ng investigation, alam na rin po ng committee po, especially chaired by our madam chairman po who’s really at the back of everything po,” dagdag niya.
Nang tanungin kung handa siyang pangalanan ang “most guilty” na indibdiwal, sinabi ni Guo: “Yes po, your honor.”
“I think it’s the first time na narinig ko na sinabi ni Guo Hua Ping na meron na tayong natutumbok sa buong kwento, kung sino ang pinakamatataas sa likod nitong mga POGOs sa Pilipinas at ‘yung isa pa naming gustong malaman sino sa mga government personnel or officials ang tumulong sa pagtakas kahit for monetary considerations,” pahayag naman ni Hontiveros.
Bago aprubahan ng komite ang mosyon na magsagawa ng executive session, hiniling ni Guo sa panel na isagawa ito sa presensya ng dalawa niyang legal counsels na hindi nakadalo sa pagdinig sa araw na iyon. RNT/SA