LAS PIÑAS, Philippines – Nalambat ng mga tauhan ng Las Piñas police Warrant and Subpoena Section (WSS) katuwang ang Catanduanes Police Provincial Office (CPPO) ang Top 6 provincial most wanted person (MWP) Sabado ng hapon sa Barangay Pulanglupa Dos, Las Piñas City Sabado ng hapon, Disyembre 13.
Kinilala ni Las Piñas City police chief P/Col. Sandro Jay DC Tafalla ang nadakip na suspek na si alyas Joel, 33, fish vendor, tubong Viga, Catanduanes.
Base sa report na natanggap ni Tafalla, inaresto ang suspek dakong alas 3:30 ng hapon sa kahabaan ng Gemini Street, Doña Isabelita Subdivision, Barangay Pulanglupa Dos, Las Piñas City.
Kabilang sa isinagawang operasyon ng mga tauhan ng WSS ay ang mga operatiba ng Viga Municipal Police Station, Catanduanes na pinangunahan ni PMSG Dennis Cabrera.
Ang pagdakip sa suspek ay bunsod sa isinilbing dalawang warrant of arrest na nakapaloob sa Criminal Case No. 11594 na paglabag sa Republic Act 7610 (Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation and Discrimination Act) at ng Criminal Case No. 11595 sa kasong rape.
Ang mga warrant ay inisyu noong Agosto 7, 2025 ni Virac, Catanduanes Regional Trial Court (RTC) Judge Candice Guada Cresilda Cortes Almodovar Tordilla ng Branch 43 ay mayroong nakalaang piyansa na nagkakahalaga ng P80,000 para sa kasong RA 7610 habang wala namang rekomendasyon na piyansa ang nabanggit na hukom sa kasong rape.
Agad namang nai-turnover ng Las Piñas City police ang suspek kung saan kasalukuyan itong nakapiit sa custodial facility ng Viga Municipal Police Station sa Catanduanes habang naghihintay ng commitment order na manggagaling sa korte. (James I. Catapusan)