MANILA, Philippines- Swak sa selda ang lalaking most wanted sa kasong panggagahasa makaraang madakip ito sa isinagawang manhunt, napaulat kahapon ng umaga sa Caloocan City.
Batay sa report na nakalap sa tanggapan ng Northern Police District (NPD), natunton ang kinaroroonan ng 28-anyos na akusado matapos makarating sa kaalaman ng pulisya ang lugar na tinutuluyan nito.
Alas-9:20 ng umaga nang ikasa ang manhunt operation sa Waling-waling St., Area A ng Brgy. 175, Camarin laban sa akusado.
Sa bisa ng warrant of arrest na ipinalabas ni Presiding Judge Ma. Teresa E. De Guzman-Alvarez ng Regional Trial ng Caloocan City noong Mayo 28, 2024 para sa kasong Rape under Art. 266-B (1) ng RPC, naaresto ang akusado.
Nakakulong ngayon ang akusado sa custodial facility unit ng Caloocan police habang hinihintay ang commitment order mula sa hukuman. Merly Duero