Home NATIONWIDE Motion for Reconsideration nakatakdang ihain ng kampo ni Biazon

Motion for Reconsideration nakatakdang ihain ng kampo ni Biazon

249
0

MANILA, PHILIPPINES – Ipinahayag ni Atty. Mitchell-David Espiritu, tagapagsalita ni Mayor Ruffy Biazon, ang paggalang sa desisyon ng Sandiganbayan ngunit ikinagulat nila ang hatol.

Sinabi ni David ito, lalo’t nauna nang naibasura ang kaugnay na kaso dahil sa kakulangan ng ebidensiya.

“Iginagalang po namin ang naging desisyon ng Sandiganbayan. Bahagi po ito ng proseso ng ating hustisya,” ayon sa pahayag ni David.

“Gayunpaman, ikinagulat po natin ang hatol kay Mayor Ruffy Biazon sa kasong paglabag sa Republic Act 3019—lalo na’t nauna na siyang na-abswelto sa isang kaugnay na kaso hinggil sa paggamit ng pondo ng bayan. Ang nasabing kaso ay ibinasura ng Sandiganbayan sa pamamagitan ng demurrer to evidence, dahil sa kawalan ng sapat na ebidensiya,” giit pa niya.

Ang reaksyon ni David ay kasunod ng utos ng Sandiganbayan na pagkakakulong ni Biazon ng anim (6) hanggang sampung (10) taon matapos mapatunayang guilty sa kasong graft kaugnay ng kontrobersyal na P10 bilyong pork barrel scam.

Sa desisyong inilabas ng anti-graft court, napatunayan ng hukuman ang pagkakasangkot ni Biazon sa maanomalyang paggamit ng Priority Development Assistance Fund (PDAF) noong siya ay nagsisilbing kinatawan ng Lone District ng Muntinlupa.

Sa apat na kasong isinampa, tatlo na ang naibasura.

Dagdag pa ni David na maghahain sila ng Motion for Reconsideration at gagamitin ang lahat ng legal na hakbang para malinis ang pangalan ng alkalde.

“Umaasa po tayo na gaya ng mga naunang kaso ay maa-abswelto rin si Mayor Ruffy. Sa ngayon, tatlo sa apat na kasong isinampa laban sa kanya ay naibasura na—isa mula sa Ombudsman at dalawa sa Sandiganbayan. Batid naming bahagi ito ng masalimuot na proseso ng batas, kaya’t buong paggalang at pananampalataya naming gagamitin ang lahat ng posibleng ligal na remedyo. Maghahain tayo ng Motion for Reconsideration upang hilinging muling pag-aralan ng Sandiganbayan ang desisyon, at patuloy nating isusulong ang mga ligal na hakbang upang ganap na malinis ang kanyang pangalan,” dagdag pa ni David.

“Ayon nga kay Mayor Ruffy, patuloy niyang itataguyod ang batas—ang parehong batas na nagbibigay sa kanya ng karapatan at espasyo upang linisin ang kanyang pangalan at ipagtanggol ang sarili laban sa mga paratang.”

Mananatiling nanunungkulan si Mayor Biazon at magpapatuloy ang kanyang serbisyo para sa lungsod ng Muntinlupa, aniya pa. RNT

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here