Home NATIONWIDE Motion for reconsideration ng SBSI sa land agreement sa DENR, ibinasura

Motion for reconsideration ng SBSI sa land agreement sa DENR, ibinasura

MANILA, Philippines – Ibinasura ang lahat ng motions for reconsideration ng Socorro Bayanihan Services Inc. (SBSI) kaugnay sa kanselasyon ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) sa Protected Area Community-Based Resource Management Agreement (PACBRMA) nito sa naturang grupo.

Ito ang ibinahagi ng DENR sa pagpapatuloy ng deliberasyon sa Senate plenary ng proposed 2025 national budget sa pamamagitan ng budget sponsor nito na si Senador Cynthia Villar.

“‘Yung motion(s) for reconsideration are all denied and they are doing a relocation. They have identified a relocation site in Barangay Nueva Estrella, Socorro lowland,” sinabi ni Villar sa interpelasyon ni Senate Deputy Minority Leader Risa Hontiveros, na nanguna sa imbestigasyon kaugnay sa umano’y kulto sa Surigao del Norte.

Ayon kay Villar, 108 pamilya ang boluntaryo nang umalis mula Sitio Kapihan.

Ang bagong lokasyon nito ay isang privately-owned property.

Samantala, sinabi rin ni Villar na 464 pamilya ang hindi pa naililipat dahil naghihintay pa silang tuluyang mabilis ang pribadong lupain.

“‘Yung 108 daw nag-volunteer na bumaba, but ‘yung 464, naghahanap pa ng lilipatan pero kung mabili na ito, lilipat na sila doon,” sinabi ng senador.

Nang tanungin kung bakit hindi ibinalik ang 464 sa dati nilang komunidad, sinabi ni Villar na hindi na makababalik ang mga ito dahil ibinenta na nila ang kanilang mga dating ari-arian bago lumahok sa SBSI sa Sitio Kapihan.

Bukod sa DENR, nakikipagtulungan na rin ito sa Department of Social Welfare and Development, Department of Education, Philippine National Police at Department of Health para sa reintegration ng mga apektadong pamilya.

Noong Abril, matatandaan na inanunsyo ng DENR ang kanselasyon ng PACBRRMA sa SBSI na nangangasiwa ng bahagi ng protected area sa Socorro, Surigao del Norte at ipinag-utos ang pagsasara nito.

Anang DENR, marami umanong nilabag sa kasunduan ang SBSI sa Protected Area Community-Based Resource Management Agreement (PACBRMA).

Ang PACBRMA ay isang legal instrument sa pagitan ng DENR at tenured migrant groups para i-develop at alagaan ang bahagi ng protected area sa loob ng 25 taon. RNT/JGC