Home METRO Motor taxi rider arestado sa sideline na droga

Motor taxi rider arestado sa sideline na droga

MANILA, Philippines – Arestado ang isang motorcycle taxi rider dahil sa pagbebenta umano ng ilegal na droga sa Batasan, Quezon City.

Kinilala ang suspek na si Christopher Rivera na nahuli sa isang buy-bust operation noong Huwebes.

Sinabi ng Quezon City Police District na nagtatrabaho si Rivera bilang middleman kung saan dadalhin niya ang kanyang mga customer sa supplier ng droga.

“Magkikita muna silang dalawa tapos yung pera dadalhin doon sa area kung saan dapat magkita sa bandang Caloocan. Pagkakita roon kukunin lang yung pera tapos following day na ide-deliver, pero yung suspek na ang magde-deliver sa tao,” ani Police Captain Glenn Gonzales, Chief, QCPD-Station Drug Enforcement Unit (SDEU).

Nakumpiska ng mga awtoridad mula sa suspek ang 25 gramo ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P175,000.

Sinabi ng pulisya na karamihan sa mga customer ni Rivera ay ilang tulak ng droga mula sa Barangay Commonwealth at Batasan.

Sinabi ng QCPD-SDEU na isang dating kasamahan ni Rivera ang nagsabi na sinusubukan siyang i-recruit ng suspek upang bumalik sa kalakalan ng narcotics.

“Yung confidential informant namin e dati niya ring tauhan. Kumbaga isa rin yun sa nagtutulak dito sa Batasan pero nagbago na. Ngayon inaalok ulit siya nung suspek natin na magtulak ulit kaya lang tao na natin siya,” dagdag naman ni Police Captain Glenn Gonzales.

Gayunpaman, itinanggi ni Rivera ang mga paratang sa kanya.

Sinabi ng pulisya na dati nang naaresto si Rivera dahil sa ilegal na droga. Santi Celario